Halos P3 dagdag-presyo sa petrolyo, epektibo na; Taas-pasahe sa dyip, hirit ng ilang tsuper

Halos P3 dagdag-presyo sa petrolyo, epektibo na; Taas-pasahe sa dyip, hirit ng ilang tsuper

MALINIS na ang P500 na kita ni Tatay Bernardo sa buong araw na pamamasada niya ng tricycle sa lungsod ng Pasig.

Marami pa aniya kasi siyang pinagkakagastusan tulad ng pagkain, gasolina, at araw-araw na boundary o renta sa tricycle na ipinapasada niya.

Kaya ang naiwang P500 ay hindi sapat para sa kaniyang pamilya.

“Kulang ma’am. Saan ba dapat panggastusan ‘yan? Siyempre sa mga baon ng mga bata at mga kailangan sa bahay,” ayon kay Bernardo, Jeepney Driver.

Pangunahing problema rin aniya nito ang tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa katunayan, nasa ika-apat na linggo na ang walang-humpay na pagsirit sa presyo ng petrolyo kaya napapaisip na rin siyang maghanap ng ibang mapagkakakitaan.

“Kung anong mayroon diyan, baka janitor,” dagdag ni Bernardo.

Batay kasi sa ilang oil industry players, epektibo na ang panibagong big-time oil price hike, araw ng Martes.

May dagdag na halos P3 sa kada litro ng diesel, P2.65 naman sa gasolina at P2.65 kada litro naman sa kerosene.

Ang dagdag presyo na ‘yan ay pasanin para sa mga namamasadang tsuper.

Kaya naman wala anila silang magawa kundi ang maghigpit ng sinturon.

“Tiyaga na lang, dati kumikita kami ng P1,500 ngayon ay P700 na lang. Tipid pa ako sa mga merienda-merienda,” wika ni Junjun, Jeepney Driver.

Hirit ngayon ng ilang tsuper – itaas na sana ang singil sa pasahe para naman makabawi-bawi sila kahit paano.

“Kasi kung magtaas ng pamasahe sana ay malaking bagay talaga kasi kung gagawing P15 para sa aming mga jeepney driver. Kung sa P2 ay malaking bagay na rin kasi kahit magtaas ng P5 ay walang problema dahil kahit papaano ay nakabawi naman,” saad ni Junjun, Jeepney Driver.

P300-P400 kita, nababawas sa mga tsuper dahil sa oil price hike; Fuel subsidy ng LTFRB, natanggap na ng ilang PUV operator

Nanindigan naman ang grupong Pasang Masda na hindi sila hihirit ng panibagong taas-singil sa pamasahe.

Ito ay kahit umaabot na sa P300 hanggang P400 ang nababawas sa kita ng mga tsuper kada araw dahil sa halos linggo-linggong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Sabi ni Obet Martin, presidente ng grupo, natanggap na nila Martes ng umaga ang fuel subsidy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

“Dumating na ang fuel subsidy namin ngayon. Nag-check na kami mayroon ng mga load kaya nga ito ay magandang pagkakataon itong pagtaas ng presyo ay sabay naman dumating ang fuel subsidy na pantawid namin dito sa taas-presyo,” pahayag ni Obet Martin, President, Pasang Masda.

“Sa modern jeepney ay P10,000. I think sa traditional ay P5,000 to P7,000 ang tatanggapin nila,” aniya.

Sa kanilang grupo, mula umano sa 60 units ng pampublikong dyip ay nasa 40 units na ang nakatanggap ng ayuda.

Pero, wala pang malinaw na pahayag ang LTFRB patungkol sa pamamahagi nila ng fuel subsidy.

Hindi rin masabi ng ahensiya kung magkano ang pondong inilaan para sa programa at kung hanggang kailan kayang mamahagi ng pamahalaan ng ayuda.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble