Halos P43-B pondo para sa health insurance ng senior citizens, inilabas ng DBM

Halos P43-B pondo para sa health insurance ng senior citizens, inilabas ng DBM

INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglalabas ng kabuoang halos P43-B (P42,931,355,000) na sasaklaw sa 1 year health insurance premiums ng senior citizens sa buong bansa.

Inaprubahan ni DBM Secretary Amenah Pangandaman noong Abril 4, ang Special Allotment Release Order (SARO) at ang kaukulang Notice of Cash Allocation (NCA) para dito.

May kabuoang mahigit 8.5-M (8,586,271) enrolled senior citizens ang inaasahang makikinabang sa naturang allotment.

Sinabi ni Pangandaman na sa simula pa lang, napakalinaw na ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na dapat tiyakin ng gobyerno na ang mga senior citizen ay may suporta at resources na kailangan nila para umunlad.

Dagdag pa ng kalihim, mananatiling mahahalagang miyembro ng lipunan ang mga senior na gumugol ng marami sa kanilang mga produktibong taon, hindi lamang sa pagpapabuti ng buhay ng kanilang mga miyembro ng pamilya, kundi maging sa pag-aambag sa kanilang mga komunidad.

Alinsunod sa Republic Act No. 10645 (Expanded Senior Citizens Act of 2010), lahat ng senior citizens ay sakop dapat ng National Health Insurance Program (NHIP) ng PhilHealth.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter