Heat index values sa ilang bahagi ng bansa, umabot sa mahigit 40°C

Heat index values sa ilang bahagi ng bansa, umabot sa mahigit 40°C

PATULOY na nakapagtala ng ‘dangerous’ o mapanganib na heat index values sa ilang lugar sa bansa ang  Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon sa pinakahuling tala nito noong linggo, Mayo a-disi sais, nanatiling may pinakamataas na temperatura ang Dagupan City sa Pangasinan na umabot sa 49 degrees celsius.

Kabilang sa mga lugar na nakapagtala ng mataas na temperatura noong linggo ng alas dos ng hapon ang Sangley point sa Cavite na may 46°C; 45°C sa Aparri, Cagayan at San Jose, Occidental Mindoro; 44°C sa Ambulong, Batangas at Laoag City sa Ilocos Norte; 43°C sa Cotabato City, Maguindanao at Masbate City.

Ilan sa mga syudad na nakapagtala ng 42°C ay ang Dipolog City, Zamboanga del Norte; El Salvador City, Misamis Oriental; Iba, Zambales; at NAIA, Pasay City.

Ayon sa PAGASA, ang heat index values sa pagitan ng 41°C at 54°C ay ikinokonsiderang bilang dangerous level dahil sa mataas na posibilidad ng pagkakaroon ng pulikat at pagkahapo.

Aasahan naman ngayong araw ang patuloy na mainit at mahalumigmig na panahon dahil pa rin sa nararanasang easterlies sa buong bansa.

SMNI NEWS