Hepe ng QCPD-CIDU sinibak matapos payagang makalabas ang babaeng preso

Hepe ng QCPD-CIDU sinibak matapos payagang makalabas ang babaeng preso

SUNOD-sunod na eskandalo ang yumanig sa hanay ng kapulisan—mula sa mga matataas na opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) na sinibak sa kani-kanilang puwesto.

Kinumpirma mismo ni NCRPO Regional Director Police Major General Anthony Aberin na tinanggal na sa puwesto ang hepe ng QCPD-CIDU na si Police Major Dondon Llapitan dahil sa umano’y iligal na aktibidad.

Hinayaan kasi nitong makalabas ng kulungan ang isang babaeng preso na nasa ilalim ng Persons Under Police Custody (PUPC). At hindi lang basta pinalabas—ineskortan pa umano ng mismong mga pulis para makipag-family bonding sa isang kilalang hotel sa Quezon City.

Ayon kay Police Colonel Randy Glenn Silvio, officer-in-charge ng QCPD, isang text message ang kanilang natanggap patungkol sa nasabing preso na may kasong qualified theft.

“Immediately nag-conduct ng validation at ini-interview natin ‘yung Chief nila na si Major Llapitan and during the interview ay inamin naman niya na mayroong nga daw po na nilabas na isang PUPC at right now ay nagco-conduct tayo ng investigation at ni-relieved natin lahat nung duty kasama si Major Llapitan,” wika ni PCol. Randy Glenn Silvio, OIC, QCPD.

Malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng QCPD para alamin kung may kapalit ang paglaya ng nasabing preso.

Itinuturong kasabwat ni CIDU Chief ang kaniyang desk officer at ang jailer na siyang nagbabantay sa selda.

Bukod sa family bonding, tinitingnan pa ng QCPD ang posibilidad na may iba pang nangyari sa pagitan ng babaeng PUPC at ng mga pulis sa hotel.

Dagdag ni QCPD OIC, hinihintay pa nila ngayon ang CCTV footages na makatutulong sa imbestigasyon.

Inaalam din kung isa lang ba ang kasong ito, o may iba pang presong nasasangkot sa parehong modus.

“Kaya po may hinaharap po sila ngayon o nagcre-create tayo ng isang joint nung CIDU at Intelligent Division at ‘yung station 15 nakikipag-coordinate tayo. Kumukuha tayo ng CCTV footages para once maka-acquire tayo ng CCTV footages we will file appropriate criminal charges,” ani PCol. Randy Glenn Silvio, OIC, QCPD.

NCRPO Chief: Viral na pulis na ilegal na pumasok sa ilang bahay habang lasing, posibleng konektado sa ilegal na droga
Samantala, patong-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ni Police Staff Sergeant Col. Jordan Marzan matapos mag-viral ang video kung saan nangha-harass ito at sapilitang pumasok sa ilang bahay sa Quezon City habang lasing.

Kabilang sa mga kasong isinampa laban kay Marzan ay paglabag sa domicile, slight physical injuries, grave threat, at child abuse.

Hindi lang ito natatapos sa mga kasong kriminal—sinimulan na rin ng NCRPO ang administrative proceedings laban sa kaniya.

Ayon kay NCRPO Regional Director PMGen. Anthony Aberin, hindi isinasantabi ang posibilidad na may sangkot sa iligal na droga ang naturang pulis.

“It will be a part of the administrative investigation to see to it na kung totoong may involvement siya sa drugs. Kung makita natin na may katotohanan nga ‘yung mga paratang sa kanya then we will be filing another charges against him,” saad ni PMGen. Anthony Aberin, Regional Director, NCRPO.

Nag-ugat ang insidente sa isang personal na isyu—iniulat umano ni Marzan na sinisiraan siya ng isang babaeng nagngangalang “Dimple” na nagsasabing siya ay sangkot sa iligal na droga.

Dahil sa galit ay ilang bahay ang sapilitan nitong pinasok para hanapin ang nasabing babae.

Ngunit paglilinaw ng NCRPO, hindi kabilang si Marzan sa mga pulis na kasama sa mga anti-illegal drugs operation.

Sa kabila nito, isasailalim pa rin si Marzan sa drug test at psychological test dahil sa matindi at hindi katanggap-tanggap na kilos nito laban sa mga inosenteng mamamayan.

Bunga ng lahat ng ito, Abril 21 nang tanggalin sa puwesto si District Director PBGen. Melecio Buslig Jr. dahil sa isyu ng command responsibility.

May malinaw na dahilan umano para sa pagsibak kay Buslig, ayon kay NCRPO Chief Aberin.

“Of course, as I see ay hindi niya po ni-report sa akin kaagad na pangyayari, nalaman ko nalang ito doon sa mismong Station Commander,” ani Aberin.

“Pini-pressume niya na alam ko na,” aniya.

Sa ngayon, isinailalim na sa restrictive custody ng QCPD si Marzan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble