NAARESTO ng Philippine Drug Enforcement Agency-Pangasinan Provincial Office (PDEA PANGPO) ang isang high-value target drug personality sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa isang buy-bust operation na ginawa ng pinagsanib na puwersa ng Police Regional Office 1-Regional Drug Enforcement Unit (PRO 1-RDEU), Pangasinan Police Provincial Office-Provincial Intelligence Unit (Pang PPO-PIU), Manaoag Police Station, at PDEA Seaport Interdiction Unit II (PDEA SIU II) nahuli ang suspek 9:15 kagabi araw ng Miyerkules sa Brgy. Poblacion, Manaoag, Pangasinan.
Kinilala naman ni PDEA RO 1 Regional Director, Director III Joel B Plaza ang suspek na si Ronald Reyes, 46 na taong gulang at nakatira sa Dagupan City, Pangasinan.
Nakuha mula sa suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng suspected shabu na may bigat humigit kumulang 50 gramo na nagkakahalaga ng aabot sa P340,000,00.00, isang itim na sling bag, isang motorsiklo, 2 identification cards, isang maliit na brown envelop, mobile phone, at ang buy-bust money.
Kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Article II ng RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), ang isasampa laban sa suspek.