HANDANG-handa na ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa pagdagsa ng mga pasahero ngayong Semana Santa kasabay na rin ng summer season.
Sa panayam, sinabi ni MIAA Head of Public Affairs Office na nakahanda na rin ang Malasakit Help Desk para sa mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsiya at magbabakasyon sa ibang bansa ngayong Lenten Season.
Inaasahan din ng MIAA na mas tataas ito ng 15% o higit isang milyong bilang ng mga pasahero ngayong Lenten Season mula Marso 24 – Marso 31.
Kumpara sa nakaraang taon na umabot sa mahigit 900,000 pasahero.
Ayon pa sa MIAA, sa unang 14 na araw lamang ng Marso 2024, umabot na sa mahigit 1.8 milyong pasahero ang dumagsa na sa apat na terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa daily average nito na mahigit 132,000.
Kaya naman ngayong Semana Santa, tinatayang nasa 140,000 sa isang araw ang volume ng pasaherong dadagsa sa NAIA terminals.
Tinitiyak din ng pinuno ng paliparan ang sapat na manpower, equipment at pinakamainam na kondisyon sa pagtatrabaho para sa amenities at pangunahing pasilidad, kabilang ang mga kritikal na kagamitan sa paliparan at backup system.
Sinigurado rin ng MIAA ang mga standby generator set na nagsu-supply ng kuryente sa mga mahahalagang pasilidad ng MIAA, kabilang dito ang MIAA Admin Building, lahat ng complex ng apat na terminal ng pasahero, at ang International Cargo Terminal, ay sumasailalim sa buwanang monthly scheduled test na sinimulan pa noong Enero 16, 2024.
Upang matugunan ang inaasahang pagtaas ng bilang ng mga flight sa panahon ng Lenten, nag-adjust ang MIAA ng iskedyul ng pagsasara ng Runway 06/24 para sa dalawang magkasunod na araw ng Lunes at Miyerkules, partikular sa Marso 25 at 27, at Abril 1 at 3.
Binawasan din ng MIAA ang closure period mula sa limang oras. Ang orihinal na itinakda mula 12:30 am hanggang 5:30 am, na ngayon, ginawa ng tatlong oras, mula 1:30 am hanggang 4:30 am sa mga nabanggit na petsa.
Binigyang-diin din ng MIAA ang patuloy na pakikipagtulungan sa mga ahensiya ng gobyerno sa loob ng NAIA, tulad ng Bureau of Immigration (BI) at Office for Transportation Security (OTS), upang i-manage ang mahabang pila at tiyakin na may tauhan ang mga immigration counter at final security points.
Upang matugunan din ang epekto ng El Niño at tumataas na temperatura, pinapalitan ng MIAA ang mga fan coil sa mga terminal air conditioning unit at nagsasagawa ng mga regular na inspeksiyon at pagpapanatili ng mga air handling unit, habang ang mga awtoridad ay nakikipag-ugnayan sa Maynilad para sa walang patid na serbisyo ng tubig.
Samantala, para maiwasang hindi maantala ang mga pasahero sa kanilang mga flight, hinihimok ang mga pasahero na dapat nasa NAIA nang hindi bababa sa tatlong oras bago ang international departure at dalawang oras bago ang domestic departure.
Ang mga traveler na may hand-carry luggage ay hinihikayat na mag-check-in online o gamitin ang mga check-in kiosk.
Upang mapabilis ang pagproseso sa mga counter ng Bureau of Quarantine (BoQ) at BI, ang mga international inbound traveler sa Pilipinas ay pinapaalalahanan na kumpletuhin ang eTravel registration online bago dumating, kung saan ang mga Philippine passport holder naman ay hinihikayat na gumamit ng immigration e-gates pagdating sa paliparan.