NASA kabuuang 43 sites nationwide ang isasagawang job fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12.
Inaanyayahan ng DOLE ang mga naghahanap ng trabaho na bisitahin ang pinakamalapit sa kanilang jobs fair site at samantalahin ang mahigit isang daang libong local vacancies at mahigit limang libong overseas vacancies na inaalok ng mahigit 1,000 employers.
Ayon sa DOLE, ang nangungunang trabaho na iniaalok sa Independence Day Job Fair ay production worker/operator; customer service representative; cashier, bagger, sales clerk; laborer, carpenter, painter; service crew, cook, waiter, and server.
Nitong nakaraang linggo nilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang resulta ng April 2024 Labor Force Survey.
Umakyat sa 4% ang unemployment rate sa Pilipinas nitong Abril 2024.
Habang ang mga walang trabaho, na siyang naitaya sa 2.04 milyon, ay bahagyang mas mataas kumpara nitong Marso.
Kapansin-pansin na sa nabanggit na buwan ay bumaba nang konti ang employment rate sa 96% mula sa 96.1% noong Marso.
Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma may mga kadahinan kung bakit tumaas nang bahagya ang unemployment rate noong Abril.
Kabilang na aniya rito ang pagdagdag ng new entrance na aabot sa humigit-kumulang kalahating milyon.
“Batay din doon sa tala, ‘yung labor force participation na dati mas mababa, tumaas din siya,’yun naman ay binabasa naming na positibo, ibig sabihin marami sa mga dati ay nagpapahayag ng kahandaan ng o interes na maghanap ng trabaho, naghahanap ngayon” ayon kay Sec. Bienvenido Laguesma, DOLE.
Bukod sa job fair, iba’t ibang mga hakbang at programa rin ang pagsisikap na ginagawa ng DOLE para mapababa ang unemployment rate.
“Unang-una ‘yung aming pagpapalakas ng aming ugnayan sa mga pribadong, specifically mga business organization, kasi magbuhat noong kami ay nagsimulang magtrabaho, bumalik sa DOLE ang una naming isinagawa ay ‘yung konsultasyon sa mga business organization, mga employers association dahil sila ‘yung may tinatawag na road map anong pangangailangan nila sa mga darating na panahon,” ani Laguesma,