NAKATAKDANG dumating sa bansa ang higit dalawang milyong dosis ng Sputnik V vaccine na binili ng Pilipinas mula Russia ngayong araw.
Sakay ang mga naturang bakuna na may kabuuang 2,700,000 doses sa isang chartered flight ng Philippine Airlines Flight PR8623.
Kinumpirma ito ni PAL spokesperson Cielo Villaluna at inaasahang lalapag ang Boeing 777 ngayong alas 10:55 ng umaga sa NAIA Terminal-2.
Una nang inihayag ni Villaluna na umalis sa bansa ang naturang eroplano pasado alas-otso ng umaga kahapon patungong Moscow Oblast, Russia para kunin ang mga naturang bakuna.
Inaasahang sasalubungin ni NTF and vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. kasama si Russian Ambassador to the Philippines Marat Pavlov at iba pang Philippine government officials ang pagdating ng bakuna sa paliparan.
Matatandaan nitong linggo ay dumating din sa bansa ang higit 2-M doses ng Pfizer vaccine na donasyon ng Estados Unidos sa pamamagitan ng COVAX Facility.
Sa buwan pa lang ng Oktubre nasa 34,887,870 doses na ng bakuna kontra COVID-19 ang dumating sa bansa.
Sa ngayong nasa kabuuang 106,212,460 COVID-19 vaccine doses na ang tinanggap na ng Pilipinas simula Pebrero ng taong kasalukuyan.
Dahil sa dami na ng bakuna patuloy pa rin na hinihimok ni Secretary Galvez na magpabakuna na ang mga Pilipino.
Sa ngayon target ng pamahalaan na 1.5-M doses ang ituturok bawat araw.
Bukas nakatakda na rin simulan ang bakunahan ang nasa edad 12-17 taong gulang.