Higit 30-K PUV operators na hindi sumali sa franchise consolidation, ituturing kolorum simula Pebrero

Higit 30-K PUV operators na hindi sumali sa franchise consolidation, ituturing kolorum simula Pebrero

ITUTURING kolorum simula Pebrero ang higit 30-K PUV operators na hindi sumali sa franchise consolidation.

Muling humarap ang mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Office of the Transportation Cooperative (OTC) upang bigyang-linaw ang isyung kinakaharap patungkol sa PUV modernization program.

Unang nilinaw ni OTC chairman Andy Ortega, walang sinumang opisyal ng transportation department ang nag-impluwensiya sa mga kooperatiba sa pipiliing manufacturer o disenyo ng modern jeepney.

Hindi rin aniya totoo ang kumakalat na pahayag na aabot sa higit P40 ang magiging pamasahe sa modern jeep.

“Ang minimum fare ng traditional was P9, ang modern was P11, we have P2 difference. Past forward 6 years 2023 ang minimum ng ating traditional is P13 at ang ating modern is P15. So, the P2 difference still retain after 6 years. There is no basis to make such conclusion that fare increase will reach P40, P45, to P50,” ayon kay Andy Ortega, Chairman, LTFRB.

Gayunpaman, iniulat ng LTFRB na nasa 76 porsiyento na ng mga PUV operator sa bansa ang pumasok sa kooperatiba para sa PUV modernization program.

Higit 112,000 na mga PUJ operators sa bansa ang nakapag-consolidate na at halos 16,000 naman sa UV express.

Pero sa pagtataya ng ahensiya, posibleng aabot sa higit 30,000 na mga PUV operator ang hindi sumali sa franchise consolidation ngunit pinapayagan pa ring pumasada hanggang sa katapusan ng Enero.

Giit ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III, simula sa Pebrero ay hindi na sila papayagang makabiyahe pa dahil awtomatikong wala na silang mga prangkisa.

Ituturing ang mga ito na kolorum ng LTFRB at sa oras pumasada pa ang mga ito pagkatapos ng Enero 31 ay agad na huhulihin.

“Normally mai-identify po namin within that time sino ang colorum or hindi, dahil ‘pag mga miyembro ng kooperatiba may mga sticker yan na identified as one cooperative to other. So, kita mo agad ‘yung walang mga sticker na most probably ito ‘yung mga hindi nagconsolidate and for the longest time are colorum,” ayon kay Asec. Teofilo Guadiz, III., Chairperson, LTFRB.

Reklamo ng isang jeepney driver ng PUVMP sa Bacolod na gumastos at naipit sa programa, iimbestigahan ng OTC

Iniulat din ng OTC na iniimbestigahan na nila ang reklamong natanggap mula sa isang jeepney drayber na lumahok sa isang kooperatiba sa Bacolod City.

Sa House hearing nitong Miyerkules, ikinuwento ni Philip Borata na gumatos sila ng malaki para lang makapasok sa consolidation ngunit tila iniipit sila ng kanilang pinasukang kooperatiba.

Ayon kay Philip, kinukuha sa kanila ang modern jeepney na milyun-milyon nilang ginastusan upang hindi lang matigil sa pamamasada pero tila binaliktad sila at kinasuhan pa.

“Gumastos kami tapos naiipit kami sa programang ito paano na lang hanapbuhay namin. Mga anak ko nag-aaral, makulong pa ako. Mahirap maghanap ng pera ngayon. Itong programa ito ay hindi nabigyan ng kaukulang pag-study, walang proteksyon sa amin, mag-consolidate man kami sa korporasyon, darating ang panahon na ito rin ang mangyayari sa iba kasi puwede angkinin ng sinoman o any corporation,” ayon kay Philip Borata, Jeepney Driver, Bacolod City.

Agad aniyang aaksiyon ang OTC sa inilabas na hinaing ng isang jeepney drayber.

“It was a very rare story regarding that incident, ang gagawin ng OTC ay we will investigate fully what happened get all the information for us to help ‘yung affected na miyembro supposedly ng kooperatiba o korporasyon. Siguro by the next hearing we should have a report, ‘yun ang aming commitment naman,” ani Ortega.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble