Higit 300 ‘notice to explain,’ naipadala sa mga LGU upang magpaliwanag kung bakit ‘di pa nakapag-setup ng e-business one-stop shop—ARTA

Higit 300 ‘notice to explain,’ naipadala sa mga LGU upang magpaliwanag kung bakit ‘di pa nakapag-setup ng e-business one-stop shop—ARTA

WALANG dahilan ang mga local government unit (LGU) na hindi maipatupad ang pagkakaroon ng electronic business one-stop shop (eBOSS) sa kanilang lokalidad.

Ayon kay Anti-Red Tape Authority (ARTA) Director General Ernesto Perez, June 17, 2018 pa ang effectivity ng Republic Act No. 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act.

June 17, 2021 naman ang deadline na itinakda para sa pagpapatupad ng proyektong eBOSS – tatlong taon mula sa pagiging epektibo ng nasabing batas.

Mahigit tatlong taon mula sa deadline, hanggang ngayon, ani Perez, 113 LGUs lamang ang nasertipikahang sumusunod sa batas. Kaya nagsimula na aniya ang ARTA na magpadala ng ‘notice to explain’ sa mga non-compliant LGUs.

Mahigit 300 notices to explain na ang nailabas ng ARTA sa ngayon.

‘’So far, we have sent more than 300 notices to explain to those local government units that have bound to be or expected to be non-compliant. Bina-validate po natin ang sagot nila. We continue to empower, capacitate them. Hindi po muna natin pinapaylan ng demanda because iyong kanila pong kadalasan na sagot ay “poor internet connection,” ayon kay Ernesto Perez, Director General, ARTA.

Ibinahagi ni Perez ang ilang LGUs na nakapag-setup na ng electronic business one-stop shop tulad ng San Roque, Samar. Anim na LGUs naman ng probinsiya ng Camiguin ang ganap nang nakasunod rito.

Ang Misamis Oriental ay nag-commit naman na ang 21 LGUs nito ay magiging compliant na rin sa electronic business one-stop shop sa loob ng taong ito.

Sa Metro Manila, tanging ang munisipalidad ng Pateros lamang ang hindi nakapag-comply sa requirement.

‘’Meaning, they have not been able to receive application online. They are not able to process it. They’re not able to accept digital payment and much more are not able to print business permit online,’’ saad ni Perez.

Kaya naman, maglalabas na rin ang ARTA ng notice to explain sa Pateros kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa sila nakapag-set up ng electronic business one-stop shop.

Samantala, target ng ARTA na magkaroon pa ng karagdagang 104 local government units na makatalima sa proyektong ito ngayong taon.

Sinabi ni Perez na sa pamamagitan ng paggamit ng nasabing digital platform, base sa parehong karanasan ng mga LGU na gumagamit nito, ay tumaas ang bilang ng kanilang business registration gayundin ang revenue collection.

‘’Isa po dito sa requirement ay integration ng barangay clearance, dati po para makakuha ng business permit, kailangang pumunta sa mga barangay para kumuha ng clearance, dahil po dito sa eBOSS, hindi na po kailangan, dahil integrated na po iyong barangay clearance dito sa business permit,’’ ani Perez.

Ang eBOSS ay isang inisyatiba ng ARTA katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Information and Communications Technology (DICT), at Department of Trade and Industry (DTI) na layuning mapabilis ang proseso sa pagkuha ng business permit sa mga munisipyo at lungsod sa buong bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble