SINIRA ng militar ang 436 armas na nasabat, nakumpiska, isinuko, at nabawi bilang bahagi ng demilitarization process na ginanap sa Camp Arturo Enrile, Malagutay, Zamboanga City.
Ayon kay AFP Western Mindanao Command (WestMinCom) spokesperson Lieutenant Colonel Abdurasad Sirajan, pinutol at sinunog ang mga armas upang matiyak na walang bahagi nito ang muling gagamitin o ire-recycle.
Sinaksihan ang demilitarization process nina AFP WestMinCom acting commander Brigadier General Arturo Rojas, Zamboanga City Mayor John Dalipe at mga opisyal ng militar, pulisya at lokal na pamahalaan.
Pinuri ni General Rojas ang mga opisyal at enlisted personnel ng 9th Forward Service Support Unit (9FSSU) sa pangunguna ni Lieutenant Colonel Joey Caperig na nagsagawa ng aktibidad.
Tiniyak din ng opisyal na paiigtingin nila ang kampanya laban sa iba’t ibang threat groups at paglaganap ng loose firearms sa tulong ng mga lokal na ahensya sa lugar.