Higit 7-M COVID-19 vaccine doses, naiturok na sa buong bansa

Higit 7-M COVID-19 vaccine doses, naiturok na sa buong bansa

PUMALO na sa mahigit 7 milyong COVID-19 vaccine doses ang nagamit sa buong bansa hanggang kahapon, Hunyo 14.

Sa Senate hearing, sinabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na kabuuang 7,045,380 doses na ang naiturok mula Marso 1 hanggang Hunyo 14.

Sa ngayon, 980,471 medical frontliners, 486,945 senior citizens, 429,301 person with comorbidities, at 7,067 essential workers na aniya ang fully vaccinated.

Habang 5,141,596 doses aniya ang itinurok bilang unang dose ng 1.452 million medical workers, 1.753 million senior citizens, 1.754 persons with comorbidities, at 182,130 essential workers.

Sa mahigit 12.7 milyong COVID-19 vaccines, sinabi ni Galvez na mahigit 10.3 milyon na ang idineploy sa 3,944 vaccination sites.

PNP Chief Eleazar, nakatanggap na ng unang dose ng COVID-19 vaccine

Samantala, nakatanggap na ng unang turok ng COVID-19 vaccine si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar habang pinapangunahan ang ceremonial vaccination para sa mga police personnel na sakop ng A4 priority group sa Camp Crame, Quezon City.

Ayon pa kay General Eleazar, nakatanggap ng 500 doses ng Sinovac vaccine ang PNP na ibibigay sa mga miyembro ng command group at ibang senior police officers, miyembro ng National Capital Region Police Office (NCRPO), Special Action Force (SAF) at Aviation Security Group.

Samantala, si Health Assistant Secretary Dr. Maria Francia Laxamana ang nagturok ng bakuna kay Eleazar.

Naroon din si Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr. sa nasabing bakunahan.

Kaugnay nito, inihayag ni Eleazar na aabot na sa 18,320 na police officers  ang nabakunahan kontra COVID-19 bago pa nag-umpisa ang A4 category vaccination.

Ang mga pulis na ito ay sakop ng A1 hanggang A3 categories.

(BASAHIN: Bilang ng mga nais magpabakuna ng COVID vaccine, dumarami na)

SMNI NEWS