INILABAS na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo para suportahan ang emergency shelter assistance na ipagkakaloob sa mga pamilyang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Odette.
Ito ay matapos aprubahan ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang special allotment na nagkakahalaga ng higit 1.5 bilyon bilang tugon sa rekwes ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Dagdag pa ni Pangandaman, tig-P10,000 emergency shelter assistance ang ibibigay sa bawat pamilya na biktima ng Bagyong Odette.
Nasa 153,410 ang totally damaged houses dulot ng Bagyong Odette ang maisasaayos o kaparehong bilang ng pamilya na makabebenepisyo sa naturang tulong sa Regions VI, VIII, X at XIII.
Saysay ni Pangandaman, itinuturing ng bawat isa ang tahanan bilang isang safe haven o ligtas na lugar.
Kaya sabi ng Budget chief, kaisa aniya ang DBM sa pagtulong na matiyak na ang mga tahanang nasira ng Bagyong Odette ay maiayos upang komportableng masilungan ng bawat pamilya.
“Bagaman tumama ang Bagyong Odette noong nakaraang taon, hindi po nakalimutan ng inyong pamahalaan ang mga nasalanta. Patuloy ang pagbibigay natin ng tulong sa mga nangangailangan para sa kanilang pagbangon muli,” pahayag ni Pangandaman.
Noong Disyembre taong 2021, nanalasa ang Bagyong Odette sa Regions IV-B, VI, VII, VIII, X at XIII.
Kaugnay nito, nirekwes ng DSWD ang paglalabas ng P1.5 billion noong Agosto 2 na natanggap naman ng DBM ng Agosto 3.
Nilabas naman ang corresponding Special Allotment Release Order (SARO) nitong Agosto 8.