AGAD na ipinag-utos ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon matapos mapaulat ang di umano’y nakakababang-dangal na body search na isinagawa ng mga prison officer sa dalawang misis na dalaw sa National Bilibid Prison (NBP).
Ayon sa isang dalaw na si Gloria Almonte, halos manginig at maiyak siya nang siya ay sumailalim sa kakaibang body inspection sa Bilibid.
Sa inspection, ay kinailangan daw nilang tanggalin ang kanilang mga damit at underwear.
Sa isang pahayag, sinabi ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, hindi nito ito-tolerate ang anumang maling gawa ng mga officer na mapatutunayang umabuso sa ginagawang body search sa loob ng Bilibid.
Ayon sa kalihim, hindi nawawala ang kanilang respeto sa human rights sa ipinapatupad na patakaran sa BuCor.
Ginagarantiya rin aniya ng ahensiya na patuloy nilang pauunlarin ang kanilang serbisyo para sa mga PDL at sa mga mahal nila sa buhay.
“Our Department remains fully committed to upholding the highest degree of respect for human rights in the conduct of our Corrections functions and guarantee that our agency will continue to innovate ways on how to improve our services to our PDLs and their loved ones,” pahayag ni Sec. Jesus Crispin Remulla, Department of Justice.
Ang mga asawa na biktima umano ng ‘di makatarungang body search ay naghain na ng reklamo sa Commission on Human Rights (CHR).
Nagsasagawa na rin ang CHR ng sarili nilang imbestigasyon.
7 personnel ng BuCor, ni-relieve sa pwesto dahil sa hindi makataong ‘strip search’ sa Bilibid
Samantala, pitong BuCor personnel naman ang ni-relieve ngayon ng Bucor para bigyang daan ang imbestigasyon ng Bucor at DOJ.
Pangalan ng 7 personnel na nirelieve sa puwesto ng BuCor dahil sa reklamo sa body search ng NBP:
Corrections Officers 1 Karen Soriano, Kiera Iket, Odesa Etong, Ahmor Darasin, Guada Bello, Melowyne Tallongan, and Angelique Domingo.
Sa isang pahayag, sinabi ng BuCor na ang mga personnel na ito ay ilalagay muna sa New Bilibid Prison Superintendent’s Office.
Ang kautusan ay nilagdaan ni Acting NBP Superintendent Ruben Formoso.
“They will be placed under attached/unassigned at the New Bilibid Prison Superintendent’s Office,” pahayag ng Bureau of Corrections.
Hindi makataong ‘strip search’ sa Bilibid, paiimbestigahan ng DOJ
Ayon kay Formoso, ang imbestigasyon nila ay sesentro sa kung may nalabag nga ba sa isinagawang body search.
Sinabi ni NBP Maximum Security Camp Commander Abel Ciruela na ang naturang strip search ay kanila nang ipinatutupad sa mga dalaw noon pang 2018.
Naging mandatory aniya ito dahil sa mga kontrabandong naiipapasok sa loob ng Bilibid.
Mayroon daw kasing mga bisita ang nahuling nag-iismuggle ng kontrabando sa NBP.
Ang mga ayaw naman na dumaan sa inspeksiyon ay maaring mag-avail ng online visitation.
Sinabi naman ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr, kailangan nilang bumili ng mamahaling body scanners para maalis na ang strip search sa mga bisita.
Pero habang wala pa ang mga ito, ay kailangan nilang gawin ang manual inspection.
“In the absence of body scanners, we have to do it manually,” wika ni Gregorio Catapang Jr, Director General, BuCor.