FOREIGN trips ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa 2024 tumaas hirit na pundo para sa local.
Sinagot ng Department of Budget and Management (DBM) sa isang pulong balitaan ang ilang katanungan tungkol sa 2024 National Expenditure Program (NEP).
Ilan sa mga tinalakay ang Confidential at Intelligence Fund (CIF) at pondo ng iba pang sektor.
Nasa P1.4-B pondo ang inilaan para sa local at foreign trips ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. base sa 2024 proposed budget ng DBM.
Ito ang inihayag ni DBM Sec. Amenah Pangandaman sa press briefing sa Malacañang nitong Huwebes.
Aniya, mas mataas ito ng 58 porsiyento kumpara sa P893.87-M pondo ngayong 2023.
Giit ni Pangandaman, justified naman ang hiling na dagdag-pondo na ito ng Office of the President.
Layon aniya ng pagbiyahe sa ibang bansa ni Pangulong Marcos na muling ipakilala at mailagay sa mapa ang Pilipinas bilang investment hub sa pamamagitan ng state visits at investment road shows nito.
Bukod pa kay Pangulong Marcos, kasama rin nito sa kaniyang mga biyahe ang economic team upang makahiyat ng mga dayuhang mamuhunan sa Pilipinas.
“Kami po, hindi lang po ang Presidente … even the economic managers if you will notice po, we’ve been going out of the country to present po the Philippines as an investment hub po. So, I think iyong expenses po ng travel, as long as it will be beneficial and mas may advantage po para sa bansa natin, I think okay lang po iyon – it’s justified,” ayon kay Sec. Amenah Pangandaman, DBM.
DBM, ipinaliwanag ang pagtaas ng pondo para sa CIF sa 2024 proposed budget
Samantala, ipinaliwanag naman ng DBM ang usapin patungkol sa pagtaas ng pondo para sa CIF sa ilalim ng proposed national budget para sa susunod na taon.
Sinabi ni Pangandaman na ang 2024 proposed CIF, ay mas mataas ng P120-M kumpara sa alokasyon ngayong taon.
Ito’y dahil sa dagdag din na pondo sa ilang tanggapan ng pamahalaan.
“Yes, mayroon pong increase na 120 million for the confidential and intelligence funds. Iyong increase po is because mayroon pong dagdag na confidential funds for the following agencies: DICT; and there is also an amount for Anti-Money Laundering Council; and may increase din po sa confidential funds ng PSG and DICT, yes,” dagdag ni Sec. Pangandaman.
Sa Department of Information and Communications Technology (DICT), mayroong pagtaas na P300-M sa pondo nito para sa cyber programs.
P50-M naman ang itinaas sa pondo ng Presidential Security Group (PSG) para sa intelligence activities kapag may biyahe sa labas ng bansa si Pangulong Marcos.
Ngunit binigyang-diin ng kalihim na bagama’t nasa P120-M ang itinaas ng CIF para sa 2024, ito naman aniya ang pinakamababang percentage share sa kabuuang national budget kumpara noong mga nakaraang taon.
“But ano po, just to give a context lang po doon sa Confidential and Intel Fund. If you will look po, iyong total niya, iyong percent share niya to the national government, actually it’s on a decreasing trend,” ani Sec. Pangandaman.
Ang 2024 NEP ay isinumite ng DBM sa House of Representatives noong Agosto 2, walong araw matapos ang unang regular session nito, para masusing matalakay at nang mabilis na maaprubahan ang pondo ng bayan.