KINUMPIRMA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mayroon silang natanggap na kahilingan mula sa ilang local government units (LGUs) na palawigin pa ang pamamahagi ng ayuda sa kanilang nasasakupan.
Sinabi ni DILG Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya na kabilang sa humirit ng extension sa distribusyon ng ayuda sa National Capital Region (NCR) ay ang Muntinlupa City, Valenzuela City, at Quezon City.
Bukod sa NCR, mayroon ding humiling na palawigin pa ang pamimigay ng tulong mula sa ilang lugar sa Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.
Sa naturang kahilingan ng mga lgu, inihayag ni Malaya na pag-uusapan pa ito ng DILG sa isang pagpupulong na pangungunahan ni Secretary Eduardo Año.
Kasabay nito, ay inanunsyo ni Malaya na balik trabaho na si Sec. Año simula ngayong araw makaraan ang ilang buwang pagsasailalim sa medical leave dahil sa sakit na COVID-19.
Kaugnay nito, inilatag ng DILG ang mga balidong kadahilanan na magiging basehan sakali mang mapagbigyan ng national government ang hirit na extension sa distribusyon ng cash aid ng ilang LGUs.
“Sa tingin ko po, ang isa sa mga posibleng maging basehan is iyong nagkaroon ng COVID ang mga empleyado ng mga munisipiyo kaya hindi kaagad naipamigay iyong pondo – that is a valid reason dahil nga po naka-monitor po kami ng ilang munisipiyo sa Bulacan for example, na nagkaroon ng lockdown,” pahayag ni Malaya.
Bukod sa dahilang may naitalang COVID cases sa city hall o munisipyo, posible ring ikonsidera ang lawak ng sakop ng isang lungsod kumpara sa manpower na mayroon ito sa pamimigay ng ayuda.
“Pangalawa po, siguro ay mahirap po kasing mamudmod ng pondo sa panahon ng pandemya ‘no. And ang mga Lungsod po ng Quezon City at Manila ay napakadami po nilang kailangan bigyan ng pondo at hindi naman po sila in full capacity precisely because nasa surge po tayo. So if you consider all of those reasons, Usec., isa po iyan siguro sa ikukonsidera ni Secretary Eduardo Año at ni Secretary Rolly Bautista,” dagdag ni Malaya.
Pagdating naman sa mga natanggap na reklamo kaugnay sa sistema ng pamamahagi ng ayuda, binanggit ni Usec. Malaya na agad naman nilang naaksyunan ito.
DILG, wala pang natanggap na reklamo ng korupsiyon
Kaugnay nito, ikinabahala ng DILG ang ulat ng Presidential Anti Corruption Commission o PACC na umabot na sa 8,000 ang kanilang natanggap na reklamo na may kinalaman sa pamumudmod ng ayuda.
“If you remember, iyong unang ayuda, we received 9,000 complaints, ngayong kakasimula pa lang 8,000 na po kaagad. So very alarming po iyan,” pahayag ni Belgica.
“Sina-summarize namin iyong mga reports para sa gagawing meeting with the Department of Interior and Local Government para maaksiyunan po ito, maimbestigahan at makasuhan kung totoo,” dagdag ni Belgica.
“Kami po ay nakikipag-ugnayan na kay Chairman Belgica ng PACC para po makuha namin iyong datos tungkol dito sa complaints na natanggap nila mula sa ating mga kababayan in so far as the distribution of the ayuda is concerned. Dahil kami po ay nabahala din noong sinabi ni Chairman Belgica,” pahayag ni Malaya.
Pero giit ni Malaya, malabo pa sa kanila kung anong klaseng reklamo ang nakuha ng PACC.
“Hindi po maliwanag sa amin kung anong klaseng mga reklamo ito, kasi po ang mga natatanggap po ng DILG na reklamo so far ay hindi po anomalya at hindi po korupsiyon with relation to the ayud,” ani Malaya.
Base sa mga natanggap na reklamo ng DILG, ito ay may kinalaman lamang sa problema sa listahan, kumpul-kumpulan pagdating sa distribution center at paglabag sa social distancing.
Pero ani Malaya, nasu-solusyunan naman din agad ang mga ito ng Grievance and Appeals Committee ng local government unit.
(BASAHIN: Mahigit 4.9-M residente sa NCR Plus bubble, nakatanggap na ng ayuda —DSWD)