NAGSAGAWA ng military parade sa kapital na siyudad ng Sanaa ang Houthi militia ng Yemen para ipagdiwang ang ika-siyam na anibersaryo ng pagwawagi nito sa siyudad matapos ang ilang araw ng pagsasagawa ng peace talks sa Saudi Arabia.
Ipinakita ng Houthi ang mga armored vehicle, missiles at uniformed fighters nito sa harap ng Houthi dignitaries.
Ito ay ginanap kasunod ng naging pagbisita ng delegasyon ng Houthi sa Riyadh, kapital ng Saudi Arabia para sa pag-uusap upang wakasan na ang digmaan na lalong nagpahirap sa Yemen.
Ayon sa mga ulat, ang nangyaring negosasyon ay positibo at mayroong mga magagandang punto.
Sa isang pahayag na inilabas ng Houthi kasunod ng military parade sa Sanaa, nangako ang mga ito na mas papaunlarin pa ang kakayahan sa pakikipaglaban sa susunod na mga linggo at buwan.
Matatandaan na ang Yemen ay nalugmok na sa giyera mula pa noong 2014 kung saan ang mga rebeldeng Houthi ay kinuha nga ang kontrol ng Sanaa at puwersahang pinalayas ang Yemeni Government na suportado naman ng Saudi Arabia.
Ang digmaan na ito ay nagdulot ng humanitarian crisis kung saan higit 377,000 Yemeni ang nasawi at milyun-milyong residente ng bansa ang nakararanas ng taggutom at paghihirap dahil sa mga sakit.