Iba’t ibang aktibidad inihahanda para sa mga beterano ngayong linggo

Iba’t ibang aktibidad inihahanda para sa mga beterano ngayong linggo

ANG mga sakripisyo at pinaghirapan ng ating mga bayani ay hindi lamang bahagi ng kasaysayan, kundi nagsisilbing matibay na pundasyon para sa patuloy na pag-unlad ng ating bansa.

Ito ang naging mensahe ni Assistant Secretary Domingo Carbonell Jr., Deputy Administrator for Operations ng Philippine Veterans Office (PVAO), kasabay ng makulay na selebrasyon ng Philippine Veterans Week.

“Ang mga beterano ay mga lumaban sa World War II, Korean War, Vietnam War at mga kasalukuyang beterano na nagpapatuloy ipinagtatanggol ang bayan,” ayon kay Asec. Domingo Carbonell Jr., Deputy Administrator for Operations, Philippine Veterans Office.

Ngayong Veterans Week, na nagsimula noong Sabado, Abril 5, isang sunrise ceremony at wreath laying event ang isinagawa sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City, ayon kay Carbonell.

Sa araw naman ng Miyerkules, ang pinaka-prime event, ang paggunita sa “Araw ng Kagitingan,” na gaganapin sa Mount Samat Shrine. Ito’y dadaluhan ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan kasama ang mga ambassador ng Estados Unidos at Japan.

Samantala, sa Abril 10, isang makasaysayang joint tribute ang ilulunsad para sa lahat ng mga bayaning Pilipino, kasabay ng paggunita sa Bataan Death March, na isang simbolo ng tapang at sakripisyo.

“Ito iyong tribute natin sa lahat ng mga bayani na nagbuwis ng buhay para sa kalayaan; simula ito sa panahon ni Lapu-Lapu hanggang sa kasalukuyang sundalo ng AFP. Binibigyan rin natin ng halaga at alaala iyong Death March at iyong mga nakulong sa Camp O’Donnell kung saan madaming mga sundalong Pilipino at Amerikano ang namatay,” aniya.

Ang pinakahuling event, sa Abril 11, kung saan mayroong sunset ceremony sa Libingan ng Bayani sa Taguig.

Benepisyo na natatanggap ng mga Pinoy veteran, inilatag ng PVAO
Ibinahagi naman ni Carbonell na may mga benepisyo na natatanggap ang mga Pinoy veteran mula sa pamahalaan tulad ng tinatawag na pension at non-pension benefits.

May binibigay na P20,000 buwan-buwan sa mga post-war veteran—mga beterano noong World War II; may P5,000 buwan-buwan naman mula sa PVAO ang mga post-war veteran ng Yultong.

“Mayroon din silang mga disability pension, depende sa disability na nakuha nila, umaabot ito ng 10,000,” aniya pa.

Bukod naman sa pension, mayroon ding tinatawag na non-pension benefits – ito iyong mga hospitalization at medical care program; at mayroon ding mga educational benefit na natatamo ng mga dependent ng mga beterano.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble