NAGDAOS ng isang mapayapang prayer rally ang kongregasyon ng KOJC sa London, UK na dinaluhan ng mga pinuno ng Filipino Community sa Marble Arch upang sumigaw ng katarungan para kay Pastor Apollo C. Quiboloy at ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa kasalukuyang pamahalaan.
Masayang nagtipun-tipon ang mga dumalo kahit may magkakaibang paniniwala sa relihiyon upang ipakita ang kanilang suporta sa butihing pastor na biktima ng maling mga paratang sa halip ay tagapagtaguyod ito ng mabuting pamamahala.
Ito ay matapos ang mapayapang prayer rally na isinagawa ng mga miyembro ng KOJC sa Pilipinas noong nakaraang Marso.
Ang unang prayer rally sa London ay naging matagumpay kahit malakas at walang tigil ang buhos ng ulan.
Sa ikalawang pagkakataon naman ay nagsimula sa isang panalangin, pag-awit ng pambansang awit at ng Pilipinas Kong Mahal.
Pagkatapos nito, nagkaroon ng masayang sayawan at mga talumpati ng mga representante ng bawat Filipino Community (FilCom) at nagtapos ito sa pagkain at pagkuha ng larawan.
Isa sa mga mahalagang talumpati ay ang impormasyon na ibinahagi ng kinatawan ng People’s Alliance for Clean Election (PACE) kung saan ibinahagi niya na hindi hihigit sa 10,000 rehistradong botante ang bumoto noong nakaraang eleksiyon – katumbas lamang ng 2% mula sa populasyon ng mga Pilipino na naninirahan sa UK.
Nagpahayag din ng kanilang opinyon ang ilang mga Pilipino na hindi miyembro ng KOJC tungkol sa administrasyon ni Pangulong Marcos.
May ilan din na nagpabatid ng kahalagahan ng pagtitipon tulad ng prayer rally upang ipahayag sa iba na hindi nakakaalam sa kasalukuyang sitwasyon ng bansang Pilipinas.
Layunin ng mga dumalo sa prayer rally ay ang magbigay ng kaalaman sa mas marami pang Pilipino tungkol sa pang-aabuso ng kapangyarihan na ginagawa ng mga politiko sa Pilipinas sa ngayon at magbigay ng katarungan para sa mga inaapi.