Iba’t ibang sangay ng DOTr, nagsanib puwersa sa pagbibigay serbisyo sa unang araw ng balik eskwela

Iba’t ibang sangay ng DOTr, nagsanib puwersa sa pagbibigay serbisyo sa unang araw ng balik eskwela

NAKILAHOK ang iba’t ibang sangay ng Department of Transportation (DOTr) sa muling pagbubukas ng klase nitong araw ng Lunes kasabay  sa paglunsad ng kanilang “Oplan Byaheng Ayos: Balik Eskwela Program.”

Layunin nito na tulungan ang mga mag-aaral sa bansa na nagsibalikan na sa kanilang mga eskwelahan matapos ang dalawang taong pagkaantala dahil sa pandemya.

Ang Philippine Coast Guard (PCG) ay nagdeploy ng dalawang bus sa Metro Manila bilang katuwang sa paghahatid ng mga mag-aaral na papunta sa University Belt.

Sa datos ng PCG, nasa 200 estudyante at manggagawa ang naserbisyuhan ng kanilang ‘Libreng Sakay’ program.

Ang Philippine Ports Authority (PPA) naman ay naka- heightened alert sa kanilang mga pantalan upang masiguro ang seguridad ng publiko.

Nagpatupad naman ng libreng sakay ang LRT-2 sa mga mag-aaral sa lahat ng kanilang istasyon.

Sa datos ng LRT, higit 3,000 estudyante ang naserbisyuhan ng libreng sakay mula 5 am-9 am.

Habang higit 200 mag-aaral naman ang naka-avail sa 20% student fare discount ng MRT-3.

Sa unang araw ng klase, pinakilos ng Land Transportation Office (LTO) ang halos 500 mga tauhan nito.

Ito ay para tumulong sa pamamahala ng trapiko sa paligid ng mga paaralan sa Regions 1,  2,  3,  4-A,  5,  6,  7,  8, 9, 10, 11,  12, Cordillera Administrative Region at Metro Manila.

Ininspeksyon din ng LTO ang mga terminal ng public utility vehicle at sinuri ang mga school service vehicle upang matiyak kung roadworthy ang mga ito.

Bukod dito, nagsagawa rin ng road safety seminars ang mga naka-deploy na LTO personnel sa ilang mga paaralan.

Samantala, ipinakalat din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang mga tauhan nito sa walong help desk area sa mga sumusunod na lugar sa Quezon City at sa University Belt Area ng Maynila.

Kabilang sa binantayan ng LTFRB ay ang mga sumusunod:

  • Station 1 (Commonwealth Avenue corner Katuparan St. in front of Benigno S. Aquino Jr. Elementary School, eastbound.)
  • Station 2 (Along Batasan Hills in front of QCPU and Batasan Hills High School)
  • Station 3 (Katipunan Avenue Cor. Prior Drive in front of Miriam College, northbound)
  • Station 4 (Along Taft Avenue in front of Philippine Christian University, northbound)
  • Station 5 (Along España Boulevard corner Cayco Street, eastbound)
  • Station 6 (Along España corner Don Quijote Street, westbound)
  • Station 7 (Along Legarda St., Corner Rafael St. westbound)
  • Station 8 (Along Legarda St., Corner Mendiola, eastbound)

Sa datos ng LTFRB, kakaunti lang ang bilang ng mga pasahero sa walong istasyon kung saan mahina hanggang katamtaman ang trapiko.

At wala ring naiulat na stranded commuters at tiniyak din ng ahensiya ang kaligtasan at seguridad sa walong lugar ng istasyon.

Ang mga operatiba ng I-ACT naman ay naging katuwang din ng pamahalaan upang idirekta ang trapiko at tulungan ang mga traffic enforcer mula sa iba’t ibang local government units.

Ang programang libreng sakay  sa iba’t ibang uri ng pampublikong sasakyan ay direktiba nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at DOTr Secretary Jaime Bautista na pagaanin ang pasanin sa publiko sa gitna ng pagtaas ng halaga ng gasolina at iba pang mga bilihin at ang patuloy na hamon dala ng pandemya ng COVID-19.

Follow SMNI News on Twitter