Iba’t ibang unibersidad at kolehiyo lumahok sa Cyber Defense Exercise ng PH Army na TRON 2025

Iba’t ibang unibersidad at kolehiyo lumahok sa Cyber Defense Exercise ng PH Army na TRON 2025

AABOT sa 18 cyber teams mula sa iba’t ibang nangungunang unibersidad sa Pilipinas ang naglaban-laban para sa Philippine Army’s Cyber Defense Exercise TRON 2025 na ginanap sa Headquarters ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Ang koponan mula sa UP Diliman ang nangibabaw sa kompetisyon, habang ang Holy Angel University mula Pampanga ang nakakuha ng pangalawang pwesto habang ang Mindanao State University – Iligan Institute of Technology (MSU-IIT) mula Iligan City naman ang nakakuha ng pangatlong puwesto.

Ang iba pang mga paaralan na lumahok sa dalawang araw na kompetisyon ay ang AMA University, City of Malabon University, De La Salle Araneta University, Divine Mercy Colleges Foundation Institute, Emilio Aguinaldo College, Immaculada Concepcion College, Metro Manila College, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa, Polytechnic University of the Philippines, Quezon City University, Saint Claire College of Caloocan, Technological University of the Philippines, University of Makati, at University of Santo Tomas.

Sa kaniyang talumpati sinabi ni Army Chief of Staff Maj. Gen. Yegor Rey Barroquillo Jr. na ang paglahok ng mga paaralan sa naturang hamon ay higit pa sa isang kompetisyon.

Aniya ipinapakita ng mga ito ang layunin ng mga estudyante na palakasin ang seguridad ng bansa pagdating sa cyberspace.

Binanggit din ng Army Chief of Staff na ang cyber security ay hindi lamang isang teknikal na hamon, kundi isang pambansang isyu ng seguridad. Hinikayat niya ang mga lumahok na koponan na patuloy na hasain ang kanilang mga kasanayan at talento na kritikal sa “pag-secure ng mga digital na larangan ng digmaan ng bansa.”

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble