TINAWAG na sobrang pakialamero ni Chief Presidential Legal Counsel Sec. Juan Ponce Enrile ang International Criminal Court (ICC).
Ito ay kasunod ng pagbasura ng international court sa apela ng Pilipinas na ipagpaliban ang imbestigasyon sa umano’y war on drugs sa bansa.
Sa kaniyang programa sa SMNI News, ipinunto pa ng dating Senate President na hindi kailangan ng bansa na ipagpaalam sa ICC ang drug war para masugpo ang problema sa iligal na droga sa bansa maging ang laban kontra insurhensiya ng pamahalaan.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Enrile na sobra na ang pangingialam ng ICC sa internal affairs ng Pilipinas.
Sang-ayon naman si Enrile sa pahayag ni Senator Imee Marcos na ginagamit lang ng ICC ang Pilipinas at ang African nations para mailihis ang pansin sa crimes against humanity na ginagawa ng Western nations.