Ika-6 na Chamba Run, ginanap sa Singapore

Ika-6 na Chamba Run, ginanap sa Singapore

MATAPOS ang pandemya ay muli na namang idinaos ang ika-anim na Chamba Run sa Singapore.

Ipinamalas ng mga Pinoy runner ang kanilang husay sa pagtakbo habang nagpapakita ng pagpapahalaga sa kanilang kalusugan.

Ang Business Network Group (BNG) Fun Run ay isang tradisyon na idinaos sa ika-anim na pagkakataon.

Bukod sa fun run ay ipinakilala rin ng Chamba ang isang makabagong dance fitness na kumbinasyon ng chacha, modern dance at samba sa pangunguna ni Mel Feliciano isang kilalang dance guru.

Sa pangunguna ng BNG sa Singapore, isinagawa ang nasabing Chamba Run upang magbigay-pugay sa mga manggagawang Pilipino sa bansang Singapore at upang magkaroon ng pagkakataon ang mga ito na magdiwang at mag-ehersisyo sa pamamagitan ng pagtakbo at pagsayaw.

Ang BNG rin ay naglalayon na pagkaisahin ang bawat Filipino Community sa Singapore sa pamamagitan ng fun run.

Ang BNG ay binubuo ng iba’t ibang business group sa Singapore kabilang ang LBC, Philippine Airlines, MDC Prime Consulting, Megaworld International, HFSE International School, PNB Singapore, at Noble Life.

Kasabay ng event na ito ay nagpahayag naman ng kaniyang mensahe ang Consul General ng Embahada ng Pilipinas sa Singapore na si Dr. Emmanuel Fernandez.

Ayon kay Lila Macapinlac, isa sa mga nag organisa ng Chamba Run, “layunin nito na mapalaganap ang kalusugan lalo na sa mga OFW.”

Lumahok ang mahigit sa isang libong runners mula sa iba’t ibang bahagi ng Singapore, kabilang ang mga OFW sa iba’t ibang sektor ng industriya, mga estudyante, at gayundin ang mga lokal na residente.

Nagkaroon ito ng tatlong kategorya: 3k, 5k, at 10k race.  Isa sa mga highlight ng Chamba Run ay ang masiglang warm-up exercise na pinangunahan ng fitness instructors.

Sa pagtatapos ng paligsahan, nagkaroon din ng awarding ceremony kung saan binigyan ng pagkilala ang top finishers sa bawat kategorya.

Nagbigay-sigla rin ang event sa mga runner na maging mas aktibo sa kanilang kalusugan at magkaroon ng malusog na lifestyle. Isa itong patunay na ang pagsasama-sama ng mga Pilipino sa ibang bansa ay nagdudulot ng inspirasyon at pag-asa sa kabila ng mga pagsubok sa ibang bansa.

Ang Chamba Run ay isang taunang aktibidad na inoorganisa ng Business Network Group, hindi lamang sa Filipino Community bagkus pati sa lokal na komunidad at pribadong sektor na may layunin na magbigay ng mga kahalagahan sa kalusugan at pangangatawan ng bawat mamamayan sa Singapore.

Sa matagumpay na paglulunsad ng ika-anim na Chamba Run sa Singapore, inaasahang magkakaroon ng mas marami pang ganitong aktibidad na magpapatibay ng ugnayan ng mga Pilipino sa Singapore at magpapalakas ng diwa ng bayanihan at pagsasamahan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble