UNANG filer sa ikapitong araw ng filing ng Certificate of Candidacy (COC) si dating Sen. Gringo Honasan.
Sinabi ni Honasan na nais niyang bumalik sa Senado sa ilang dahilan.
Sasabak din sa 2025 senatorial race si retired military officer Ariel Querubin sa ilalim ng Nacionalista Party na personal na sinamahan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Manalo o matalo sa 2025 elections, ipinangako naman ni dating Ilocos Sur Gov. at senatorial aspirant Chavit Singson na tutulungan niya ang mga tsuper na makakuha ng modern jeepney na walang interes.
Dagdag sa senatorial slate ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP), tatakbong senador si Atty. Jesus Hinlo, Jr.
Personal na sinamahan si Hinlo ni PDP President at Sen. Robinhood Padilla.
Bilang independent candidate, tatakbo rin si Dr. Richard Mata na dating nominee ng Kabayan Party-List.
Si dating 2022 Presidential Candidate at Dating Defense Secretary Noberto Gonzales susubukan din ang kapalaran sa senatorial race.
Isa sa kaniyang tututukan aniya ay ang food security.
Ilan pa sa mga naghain ng COC sa pagka-senador ay ang mga pambato ng administrasyong Marcos na sina dating Interior Secretary Benhur Abalos, Sen. Bong Revilla, at dating Sen. Manny Pacquiao.
Naghain din ng kandidatura ang mga senatorial aspirant ng Partido Maharlika kung saan isa sa kanilang isinusulong ang parusang kamatayan laban sa mga politikong mandarambong.
Tatakbo rin sa pagka-senador sina Prinsesa Lady Ann Sahidulla ng Jolo, Sulu at dating Sen. Bam Aquino.
Naghain naman ng kandidatura ang Bisaya Gyud Party-list sa pangunguna ng first nominee nito na si dating Presidential Anti-Corruption Commission Chairman Greco Belgica.
Paglaban sa korapsiyon at pagiging watchdog ng gobyerno ang mga prayoridad ng Bisaya Gyud.
Naghahangad din ng puwesto sa Kamara ang People’s Champ Party-List na kinabibilangan ng beteranong aktres na si Nora Aunor.
Pinabulaanan ng superstar ang mga katanungan na kaya siya tumakbo ay dahil wala umanong pera sa paggawa ng pelikula.
Ilan naman sa mga nagbabalak na muling makabalik sa Mababang Kapulungan ay ang bagong henerasyon Party-list, OFW Party-list, at Ako Bicol Party-list.
Una nang ibinunyag ni Vice President Sara Duterte na ang kasalukuyang representative ng Ako Bicol na si Appropriations Committee Chair Elizaldy Co ang may hawak sa pera ng taumbayan kasama si Speaker Martin Romualdez.