Ikalawang batch ng PHL contingent na tutulong sa relief mission sa Myanmar, nakaalis na

Ikalawang batch ng PHL contingent na tutulong sa relief mission sa Myanmar, nakaalis na

TUMULAK na papuntang Myanmar ang ikalawang batch ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) upang tumulong sa nagpapatuloy na recovery efforts matapos yumanig ang 7.7 magnitude na lindol sa naturang bansa at karatig na rehiyon.

Ang nasabing contingent ay umalis mula sa Pilipinas noong Abril 2, araw ng Miyerkules, lulan ng C-130. Binubuo ito ng 47 personahe mula sa Philippine Air Force, Bureau of Fire Protection, Department of Health, Department of Environment and Natural Resources, at Office of Civil Defense.

Ang bagong deployment ay kasunod ng pagdating ng unang batch ng Philippine rescuers at medical personnel sa Myanmar noong Abril 1, araw ng Martes.

Pagpapatupad ng Building Code, nananatiling hamon sa bansa—OCD official

Samantala, kaugnay nito, aminado ang Office of Civil Defense (OCD) na patuloy pa rin ang mga hamon sa ating bansa, lalo na sa pagpapatupad ng Building Code na layuning tiyakin ang matibay na pagpapatayo ng mga istruktura.

Sa panayam ng DZAR SMNI Radio sa programang Makialam, sinabi ni Usec. Ariel Nepomuceno, OCD Administrator at Executive Director ng NDRRMC, na kung nasusunod lang ang Building Code, ang isang gusali ay kayang tumagal ng hanggang 8.5 magnitude na lindol—mas malakas pa sa 7.7 magnitude na tumama sa Myanmar.

“Ang ideal po diyan, dapat kaya niya ‘yung hanggang 8.5-magnitude. ‘Yan po, tama po kayo kung talagang sumunod po ‘yan,” saad ni Usec. Ariel Nepomuceno, Administrator, OCD.

Ipinaliwanag din ni Nepomuceno na isa lamang ang The Big One sa mahigit 175 fault systems sa Pilipinas. Ayon sa mga pag-aaral, ang The Big One lang ay posibleng magdulot ng epekto sa dalawang milyong istruktura, na direkta o hindi direktang tatamaan ng malakas na lindol.

“Sa Big One ho, tinrace na po namin ‘yan at base din po sa pag-aaral na ginawa ng, matagal na ho ‘yan, 2004 pa—20 years ago. Ang gumawa niyan ang JICA at ang PHIVOLCS. Sinasabi po sa pag-aaral na ‘yan na merong dalawang milyong istruktura ang direktang delikado. Ang iba nga po doon, nandoon po sa ibabaw o sa gilid mismo ng fault line o ng fault system,” dagdag ni Nepomuceno.

Kaya’t payo niya sa mga balak magtayo ng gusali, huwag ipasa sa shortcuts ang proseso.

“Kumplikado talaga itong ating kinakaharap, mismong kultura natin—mahabang usapin po ‘yan. ‘Yung mga nanghihingi ng permits, kapag hinihigpitan po ng city hall, minsan nagagalit pa. Gusto ng shortcut. Ang mapapahamak naman po ay sila at ‘yung mga mahal nila sa buhay. Ngayon, kung ang nagpapahiwatig naman po ay ang city hall na gusto kayo pa-shortcutin, ay ‘wag po kayo papayag,” ani Nepomuceno.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble