PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Martes ang ikatlong Cabinet meeting sa Malacañang Palace.
Sa naturang pulong, pinag-usapan ang mga plano na may layong pagbutihin pa ang serbisyo ng mga departamento at mga tanggapan ng gobyerno.
Sa isang maiksing video clip sa state-run Radio Television Malacañang (RTVM), sinabi ni Pangulong Marcos na sina Vice President at Education Secretary Sara Duterte at Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo ang nagpresenta ng kanilang Priority Programs and Projects.
Sa inilabas naman na statement ni Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles, sinabi nito na partikular sa tinalakay ang patungkol sa basic education at social welfare.
Kung matatandaan, inilahad ni VP Duterte ang implementasyon ng mandatory face-to-face (F2F) classes sa Nobyembre ngayon taon sa pagsisikap na matugunan ang ‘learning loss’ dala ng COVID–19 pandemic.
Sa naganap ding Cabinet meeting, ibinahagi ni Secretary Cruz-Angeles ang naging deklarasyon ni Secretary Tulfo patungkol sa ilang programa ng ahensiya.
Aniya, nasa 1.3 million na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang inalis na ng DSWD sa listahan ng mga kwalipikadong tumanggap ng naturang ayuda.
“Of note is Sec. Erwin Tulfo’s declaration that in the Pantawid Pamilyang Pilipino Program at least 1.3 million beneficiaries out of 4.4 are no longer considered “poor” as a qualification for the 4Ps benefits,” ani Angeles.
Mula sa kabuuang bilang na 4.4 million beneficiaries, hindi na maikokonsiderang mahirap ang nasabing 1.3 million o hindi na kwalipikado ang mga ito para sa 4Ps benefits.
Dagdag pa sa ulat ng DSWD, sa gitna ng paglilinis ng listahan ng mga benepisyaryo ng 4Ps, nasa P15 billion na pondo ang maaaring mailaan ng gobyerno sa iba pang kwalipikadong indibidwal na ipapalit sa mga natanggal sa listahan.
“This frees up P15B for other qualified persons to replace them and now be included in the said program,” ayon kay Angeles.
Bukod sa Cabinet meeting, pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang oath taking ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ma. Antonia ‘Toni’ Yulo-Loyzaga sa Malacañan Palace ngayong araw, Hulyo 19.
Ang bagong DENR Secretary ay unang nagsilbi bilang chairperson ng International Advisory Board ng Manila Observatory.
Si Yulo-Loyzaga ay isang advocate para sa mas maraming scientific research on climate and disaster resilience.
Executive director din ang bagong DENR Chief ng Manila Observatory at technical adviser ng Philippine Disaster Resilience Foundation.