Ilang bahagi ng Metro Manila, lubog na sa baha

Ilang bahagi ng Metro Manila, lubog na sa baha

NAGDULOT ng pagbaha ang malakas na buhos ng ulan sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila nitong araw ng Miyerkules. Ito’y dahil pa rin sa epekto ng Habagat at Bagyong Carina.

Binaha ang bahagi ng kahabaan ng Chino Roces Avenue sa Makati City kaya ang iba “no choice” kundi ang lumusong sa tubig-baha.

Samantala, nagmistulang ilog naman ang bahagi ng kahabaan ng Osmeña Highway at tumirik ang ilang motorsiklo habang hirap namang makadaan ang mga sasakyan sa parte ng EDSA bandang Guadalupe, Makati dahil sa baha dala ng mga pag-ulan.

Ang kalsada malapit sa Mandaluyong City Hall, mataas na rin ang tubig-baha, kaya naman, gumamit na sila ng rubber boat upang makatawid sa kanilang paroroonan.

Dahil pa rin sa baha, matinding trapiko rin ang naranasan ng mga motorista sa ilang pangunahing lansangan ng Metro Manila. Tumaas din ang lebel ng tubig ng Ilog Pasig.

At sa video post ng ilang netizens, makikitang pinasok na ng baha ang kanilang bahay.

Bukod sa Metro Manila, ay dumanas din ng pagbaha dala ng mga pag-ulan ang iba pang parte ng bansa.

Pasok sa gobyerno at klase sa lahat ng antas sa NCR, sinuspinde ng Malakanyang

Ang Office of the Executive Secretary (OES), ay nagdeklarang suspendido ang pasok sa gobyerno at klase sa lahat ng antas sa National Capital Region (NCR), araw ng Miyerkules, Hulyo 24, 2024.

Sang-ayon na rin ito sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil sa mga pag-ulan dulot ng Habagat at ng Bagyong Carina.

Hindi naman kasama sa suspensiyon ang mga tanggapan na ang trabaho ay may kaugnayan sa pagbibigay ng basic at health services, gayundin sa preparedness/response to disasters and calamities.

Ipinaubaya naman ng Malakanyang sa pribadong sektor ang pagpapasya sa pagsuspinde ng kanilang trabaho.

La Niña, inaasahang magdadala ng maraming pag-ulan—DOST

Sa ginanap na post-SONA discussions ng Environmental Protection and Disaster Risk Reduction Cluster, sinabi ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum na aasahan na ang maraming pag-ulan kahit pa weak La Niña lang ito.

Kaya naman, pinaghahandaan na ng pamahalaan ang posibleng epekto nito gaya ng baha at landslide.

Ibinahagi ni Solidum na 70% ang tsansa na mararanasan ang La Niña phenomenon mula Agosto, Setyembre, at Oktubre.

“La Niña has a chance of developing starting August with 70% chance, but the highest will be around the last quarter of the year and this would persist the first quarter of the year. Ang problema, kapag La Niña po ang pinapag-usapan, karamihan po ng mga bagyo ay dumidiretso papuntang Pilipinas, instead na magkukurbada ay diretso lang siya most likely magla-landfall,” ayon kay Sec. Renato Solidum, DOST.

Isinalaysay naman ng kalihim ang mitigation measures na ginagawa ng DOST.

“Ang una po nating ginawa ay magpatayo pa ng mas maraming doppler radar – may 19 na tayo; 25 flood forecasting and warning centers. At ito naman po ay binibigay ng DOST-PAGASA sa ating publiko araw-araw, and mayroon tayong climate forum,” ani Solidum.

May tugon din patungkol dito ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nakatuon sa landslide risk at flood risk protection.

“We are present in all the LGUs in order to provide advice both to the OCD but also directly to the local governments. There is an advancement, very clear in our early warning systems. And that is held as an example in terms of how early warning actually can reduce risk and prevent hazards from becoming disasters,” ayon naman kay Sec. Maria Antonia Yulo-Loyzaga, DENR.

Sa parte naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), inilatag ni Secretary Rex Gatchalian ang mga naging paghahanda ng ahensiya sa pagdating ng La Niña.

Bukod sa pagtatayo ng 100 evacuation centers sa buong bansa, nagtayo rin umano ang DSWD ng Disaster Response Command Center (DRCC) sa loob ng pangunahing opisina ng ahensiya.

“Now, iyong DRCC or the Disaster Response Command Center, ties all our field offices response into one coordinated action. We wanna make sure that using the data provided by DENR and PAGASA and PHIVOLCS, we can ascertain kung nasaan namin dapat ilalagay iyong mga evacuation center,” ayon kay Sec. Rex Gatchalian, DSWD.

Tiniyak naman ng DSWD na mayroong nakahandang family food packs sa buong bansa na nakaimbak sa iba’t ibang warehouses ng local government units, national government agencies, at ilang private sector.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble