Ilang counting machine sa Guadalupe Elem. School sa Cebu City nagkaaberya

Ilang counting machine sa Guadalupe Elem. School sa Cebu City nagkaaberya

AABOT sa walong automated counting machines ang nakaranas ng teknikal na aberya sa Guadalupe Elementary School sa Cebu City na kabilang..AABOT sa walong automated counting machines ang nakaranas ng teknikal na aberya sa Guadalupe Elementary School sa Cebu City na kabilang sa mga pinakamalaking voting precinct sa buong bansa.

Karamihan sa mga makina ay nahirapang magbasa ng mga balota, dahilan para magtagal ang proseso ng pagboto at magdulot ng pangamba sa mga botante.

May ilang botante rin ang tumangging iwan ang kanilang mga balota at ipa-feed na lamang ito sa mga guro oras na maging maayos ang mga makina.

Baka dayain ‘yun. Baka iba na ‘yung pagbasa doon, iba na ‘yung resulta na lumabas. Hindi na ‘yung binoto namin. Iyan ‘yung mahirap. Importante na maaksyunan ng COMELEC na maayos ‘yung machine. Kasi ‘yung resibo. Walang resibo lumalabas eh,” pahayag ni Nick Enclona, Botante.

Nag-error ‘yung mga machine. Hindi ina-accept ‘yung mga balota. Gusto ko talaga ako ‘yung makakita, na makikita ko talaga sa resibo na ‘yun talaga ‘yung nakuha ko. ‘Yung mga binoto ko ‘yun talaga ‘yung nag-reflect doon,” ayon naman kay Anne Grave, Botante.

Ayon sa Department of Education Supervising Official na naka-deploy sa lugar, agad namang naresolba ang aberya sa tulong ng DESO technicians.

“Sa monitoring natin, sa mga tinawag na nangangailangan ng DESO tech, mga 10 to 20 minutes. Tapos after that one okay na sabi ng mga EBI doon pero ilang minuto naman nabalik na naman ‘yung problema tapos pagkaaraan ng 10 minuto bumalik naman ng maayos,” pahayag ni Quinciano Labiste Jr., Department of Education Supervising Official.

Ilang senior citizen, inirereklamo ang matagal na paghihintay sa pagboto

Samantala, ilang senior citizen ang nagreklamo sa mabagal na proseso sa Priority Polling Place na sana’y mas mabilis para sa kanila.

“They should not be allowed to wait for a long time. Ang hirap no. Tingnan mo ‘yung ano, may canal. Waiting time is average 30 minutes to get the official ballots. Other people are complaining. It needs improvement,” pahayag ni Dr. Alan Simporios, Botante.

Ilang botante rin ang nainis matapos na hindi agad makita ang kanilang pangalan sa listahan, kahit pa rehistrado naman sila. Nahirapan din silang hanapin ang kanilang presinto.

Ayon sa DESO, isusumite nila sa COMELEC ang mga natanggap na reklamo upang mapahusay pa ang proseso ng pagboto lalo na para sa mga senior citizen, PWDs, at buntis.

Isa ang Guadalupe Elementary School sa mga sentro ng botohan na may pinakamalaking bilang ng mga botante sa buong bansa, umaabot ito sa 31,963 registered voters.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble