MAHAL pa rin ang nabibiling bigas ni Cristina Sanchez na ginagamit niyang konsumo para sa kanyang karenderya.
Nasa P57/kg pa rin ang bili niya sa imported well-milled rice at para makabawi sa gastos tinaasan na niya sa P12 ang kada cup ng kanin mula sa P10.
‘’Wala pa rin, ganon pa rin mahal pa rin. Sana bumaba ‘yung bigas. Dinagdagan ko lang siya ng 2 pesos kada isang cup para lang may kita kahit papaano,’’ ayon kay Cristina Sanchez, Mamimili.
Pero, ayon sa Department of Agriculture, bumababa na raw ang presyo ng imported na bigas kasunod ng pagdating ng mga inangkat sa ilalim ng mas mababang taripa na nasa labing limang porsyento.
As of July 25, aabot na raw 56,000 metriko toneladang bigas ang dumating sa bansa matapos ipatupad ang Executive Order 62.
Ang tanong, ramdam na kaya sa merkado ang sinasabing P6-P7 na pagbaba sa presyo ng bigas?
‘’Hindi ko ramdam na bumaba lalo ngang nagmahal ewan ko ba ano ba itong government natin. Mahal pa rin kasi nasa P52 kada kilo,’’ saad ni Arlene Guillermo, Mamimili.
Sabi nga ng ilang mga rice retailer sa Muñoz market, pahirapan pa rin ang pagkuha nila ng imported na bigas sa mga trader.
Kaya, nananatiling mahal pa rin ang kanilang bentahan.
‘’Sa ngayon, walang imported sa Bulacan. Hindi pa dumarating kasi paparating pa lang,’’ ani Simeona Ignacio, Rice retailer.
‘’Hindi naman bumababa ganon pa rin ang presyo na binibenta namin ganon pa rin ang kuha nami,’’ ayon naman kay Reynante Santuele, Rice retailer.
Sa presyuhan ng bigas sa ilang pamilihan, naglalaro pa rin sa P50/kg hanggang P57/kg ang well-milled rice.
Aminado naman ang Department of Agriculture na kakaunti pa lang ang dumarating na imported na bigas dahil may mga factor pa raw’ng tinitingnan ng mga importer.
‘’Possible rin kasi nag-aabang sila doon sa diba naka-pending pa sa Supreme Court ano ‘yan wait and see attitude ng ating mga trader,’’ saad ni Asec. Arnel De Mesa Spokesperson, DA.
‘’Kami ini-expect namin na by August kasi ‘yung distribution nga pati ‘yung volume ng dumating na bigas to effect ‘yung significant sa market hindi pa ganon karami,’’ dagdag nito.
Pero, may alternatibong solusyon daw ang DA para makabili ng murang well-milled rice.
Sisimulan na kasi ng ahensya sa Huwebes, Agosto 1 ang pagbebenta ng P45/kg well-milled rice sa ilalim ng Rice for All program.
Maaaring makabili ng hanggang 25 kilo ng bigas ang mga lahat ng Pilipino sa mga Kadiwa Store sa FTI, Caloocan, Potrero sa Malabon, at Bureau of Plant Industry sa Maynila.
Makakaasa daw ngayon ang mga mamimili na hindi mga lumang stocks ng NFA ang bigas na ibebenta sa naturang programa.
Dahil manggagaling daw sa mga partner stakeholder ang suplay tulad ng mga kooperatiba at trader.
‘’Ang pinaka-objective nitong Rice for All program ay magkaroon ng available na bigas na mura at isa ito sa hakbangin ng pamahalaan na mapababa ang epekto ng food item sa inflation natin,’’ ani Asec. Arnel De Mesa.
Bukod sa well-milled rice may ibebenta ring P52/kg na premium rice na available lamang sa FTI Kadiwa site.
Ang bentahan ay gagawin kada Huwebes, Biyernes at Sabado.
Samantaka, nagpapatuloy pa rin naman ang bentahan ng P29 program na ngayon ay available sa 17 na Kadiwa sites sa Metro Manila, Bulacan at CALABARZON.