RAMDAM ang epekto ng bilis ng antas na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ng ilang mamimili.
Bumilis nitong Agosto ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, bagay na idinidikit ngayon ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa pagsirit ng presyo ng “heavily-weighted food” at “non-alcoholic beverages.”
Si Lorina Navidad na siyang araw-araw na namamalengke ng kanilang kinokonsumong pagkain sa bahay ay sinabing ramdam nito ang epekto ng bilis ng antas na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na noong nakaraang buwan.
Kaya naman, maingat at naging mas wais na rin si Aling Lorina sa pagba-badyet partikular sa gastos sa pagkain.
Gayundin si Aileen Llerena na isang minimum wage earner, ay ramdam din ang estado ng presyo ng basic commodities.
Si Linda Sebol naman na may-ari ng isang karinderya, ay apektadoRAMDAM nag epekto rin ang budget sa pamimili para sa mga sangkap sa pagluluto.
Kaya naman, upang makabawi sa kita, ay bahagya rin tinataasan ni Aling Linda ang presyo ng mga itinitinda nilang pagkain o ulam.
Sa kabila ng kinakaharap na isyu sa inflation, ay nagpahayag pa rin ng tiwala ang mga konsyumer na ito na kayang tugunan ng pamahalaan ang naturang suliranin.
Inflation rate ng bansa nitong Agosto 2023, bumilis ng 5.3%—PSA
Ang idinaing na ito ng mga mamimili o konsyumer ay may kaugnayan sa inflation report ng PSA nitong Martes, Setyembre 5.
Sa isang press conference sa Quezon City, iniulat ni National Statistician and Civil Registrar General PSA Undersecretary Claire Dennis Mapa na bumilis ang inflation o antas ng pagtaas ng pangunahing bilihin at serbisyo noong Agosto ngayong taon.
Saad ni Mapa, bumilis sa antas na 5.3 porsiyento ang headline inflation noong nakaraang buwan, mas mataas ito sa 4.7 porsiyento inflation rate na naitala noong Hulyo ngayong taon.
Ibinahagi ni Mapa na ang pangunahing dahilan ng mas mataas na antas ng inflation nitong Agosto ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng food and non-alcoholic beverages.
Ito ay may 8.1 porsiyento inflation at 60.5 porsiyento share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa bansa.
Ang nag-ambag ng malaki sa pagtaas ng inflation ng food and non-alcoholic beverages ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng mga sumusunod:
- Cereal and Cereal Products, partikular ang bigas
- Gulay, Tubers, Saba at iba pa, gaya ng kamatis
- Isda at iba pang lamang dagat, partikular ang tilapia
Ang naturang rate ng price increases lalo na sa vegetable supplies ay dala aniya sa epekto ng nagdaang mga bagyo.
“‘Yung vegetables in particular, kapag may typhoons bumababa ang supply. Nagkakaroon tayo ng temporary shock sa prices ng vegetables. That happened in last week of July dahil binaha ang ibang parts ng bansa, lalo na sa Region 3,” ayon kay Usec. Dennis Mapa, PSA | National Statistician.
Samantala, kabilang din sa commodity group na nag-ambag sa mas mataas na antas ng inflation nitong Agosto ay ang transportasyon.
Ang dahilan dito, ay ang mas mabagal na pagbaba ng presyo ng gasolina at diesel.
Bukod dito, ani Usec. Mapa, malaking ambag din sa pangkalahatang inflation noong nakaraang buwan ay ang restaurants and accommodation services.
Nakaambag din sa pangkalahatang inflation ang housing, water, electricity, gas and other fuels.
Ang August 2023 Inflation Report ay ang unang pagtaas ng inflation rate matapos ang anim na buwang downtrend o sunud-sunod na buwang pagbaba ng inflation.
Una nang nagpahayag ang pamahalaan na tuluy-tuloy ang pagtutok at pagtugon nito sa isyu ng inflation sa bansa.
Kung matatandaan, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. noong May 26, 2023, ang Executive Order No. 28, na lumikha ng Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook (IAC-IMO), na nagpapahusay sa koordinasyon at pagkilos ng mga ahensiya ng gobyerno sa pamamahala ng inflation at pagpapagaan sa mga epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa mamamayang Pilipino.