ANG mga guro ay modelo ng kabutihan at disiplina, sila ay nagbibigay inspirasyon sa kanilang mga estudyante na bilang Pilipino kailangan na sumunod sa mga alituntunin at maging mas mabuting indibidwal.
Ngunit para sa ilang mamamayan sa bayan ng Plaridel sa probinsiya ng Misamis Occidental nawala ang kanilang respeto sa ilang mga public school teachers sa nasabing bayan dahil kung sino pa ang inaasahan nila na dapat maging modelo ng kabataan ay sila pa ngayon ang nangunguna sa panloloko.
Reklamo kasi ng ilang barangay captain sa bayan ng Plaridel ang mga guro ang mismong naglakad at nagproseso sa mga papeles upang maging kwalipikado silang benepisyaryo sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) na isa sa mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News sa mga barangay captain sa naturang bayan, inilahad nila kung papaano ang umano’y ginawang pandaraya ng ilang public schools teachers para maging kwalipikadong benepisyaryo sa naturang programa.
Ayon kay Robel Lanticse, barangay captain sa Brgy. Unidos, Plaridel nasa humigit-kumulang 40 public schools teachers ang lumapit sa kaniya upang magpapirma ng certification na nagpapatunay na sila ay mahirap at hindi sapat ang kinikita upang sa gayon sila ay makatanggap ng financial assistance sa pamamagitan ng AKAP.
Sa nasabing certification, hindi umano nakalagay ang tunay na propesyon ng guro at nakalagay rin umano sa papel na nasa P5K pababa ang income nito buwan-buwan bagay na kaniyang ipinagtataka dahil ang mga nagpapirma sa kaniya ay mga lehitimong public school teacher sa kanilang barangay.
“Pero ‘yong nakalagay sa papel is hindi sila teachers? Hindi kasi nagtanong nga ako sa kanila kung ano ang i-attach ninyo na ID? ‘yong professional ID hindi nila gagamitin ‘yon don ko na nalaman hala bakit ganon, nabudol kayo? Oo nabudol pero wala na nakapirma na ako.”
“Mga more or less mga 40 plus na mga teacher na nabigyan ko ang nakalagay dun 5,000 below ang income nila may private tutor may vendor may farmer may cooker mga ganyan mga low profile talaga na nangangailangan ng ayuda,” wika ni Robel Lanticse, Brgy. Captain, Unidos, Plaridel, Misamis Occidental.
Kaya para sa kaniya niloko siya ng mismong mga guro.
“Yong nangyari parang nangloloko lang sila then parang nawala na yong pagka-teacher nila,” dagdag ni Lanticse.
Base sa inilabas na Memorandum Circular No. 04 series of 2024 ng DSWD, dito nakapaloob ang mga guidelines para sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) nakasaad dito na ang magiging benepisyaryo ng naturang programa ay ‘yong mga kabilang sa low income category
“To qualify as a beneficiary under the AKAP, the individual must belong to low-income category, i.e., those whose income does not exceed the statutory minimum wage,” DSWD Memorandum Circular No. 04 Series of 2024.
Ang panloloko ng mga guro ay naranasan din ni Ronaldo Dialogo, Barangay Captain sa Barangay Deboloc sa bayan ng Plaridel Misamis Occidental ngunit sinabi niya na wala siyang pinirmahan kahit na isang certification na nilalakad ng mga guro dahil maaga siyang inabisuhan ng kaniyang abogado na mali ang ginagawa ng mga guro.
“Nung una bago sila nanghingi sa akin ng certificate of attestation talagang nagtaka na ako kaya nga ang ginawa ko nagpunta ako ng legal nagpa-advise ako ng abogado kung ang pinakamaganda kong gawin.”
“Hindi ko na pinirmahan kahit isa wala akong pinirmahan sa akin dahil nag advise ang abogado delikado ako pagnakapirma ako ng certificate na ‘yon” wika ni Ronaldo Dialogo, Brgy Captain Deboloc, Plaridel, Misamis Occidental.
Dagdag pa nito na ang certificate na pinipilit sa kaniyang papirmahan ng mga guro ay nakaplantsa na ibig sabihin hindi ang kanilang barangay ang gumawa ng certificate.
“Tapos na ‘yong certificate ginawa na nila tapos certified by punong barangay na hindi ‘yong barangay ang gumawa and then nakalagay don sa certification na papirmahan sa amin bilang punong barangay nakasulat doon na tutor and then low income pano maging low income ang mga teachers na hindi sila below income alam naman natin lahat na ang mga teachers ang pinakamagandang sahod nila,” saad ni Ronaldo Dialogo, Brgy. Captain Deboloc, Plaridel, Misamis Occidental.
Hindi tuloy maiwasan ni Ronaldo na magtanong kung sa kanilang bayan lang ba ito nangyayari.
“Yong AKAP kasi isa para ‘yan sa mga kapos ang kita, pano maging kapos ang kita ang mga teachers na alam naman natin na hindi sila kapos ang kita ‘yon ang question ko sa gobyerno bakit nangyari ba ito at tsaka sa Misamis Occidental lang ba ito nangyari?” saad ni Ronaldo Dialogo, Brgy. Captain Deboloc, Plaridel, Misamis Occidental.
Ganito rin ang naranasan ni Barangay Captain Jenelyn Baliton.
“Ang nangyari blangko ‘yong ok ra blangko ang ilagay sabi ganon walang pangalan walang profession sila maglalagay lahat tapos sabi ko don ko pa na-realize nakapirma na ako eh bakit blangko pala ‘yon sabi ko ganon tapos tinawagan ko ‘yong teacher ma’am anong nilagay nyo na profession sa blangko sabi ko naputol ‘yong tawag nag message siya sa akin kap name age lang tsaka status ‘yon lang daw nilagay,” wika ni Jenelyn Baliton, Brgy Captain, Panalsalan, Plaridel, Misamis Occidental.
Maging siya ay nawalan din ng respeto sa mga guro.
“Ang akin lang kasi teacher kayo eh kumbaga ‘pag nanghingi kayo sa akin ng ganon so nag-trust ako na hindi nyo gagamitin sa pag-aano sisinungaling alam nyo ‘yong propesyon nyo eh eh bakit nangyayari yong ganon lahat kayo naging private tutor bakit dinidegrade nyo kung ano ‘yong posisyon ninyo ngayon,” ani Baliton.
Para naman kay Kapitan Joseph Gairanod barangay captain ng Northern Poblacion sa bayan ng Plaridel na masama ang kaniyang loob sa pinapapirma ng mga guro na certification para lang makakuha ng ayuda.
“What I did was ‘yong certification nga may format sila na binigay and then dapat ilagay don na ‘yung income nila hindi talaga enough para sa pangangailangan ‘yong mga teacher usually nilalagay nila na income na pinapalagay doon sa certification was only 2,500 ang nangyari pa walang date ‘yong certification.”
“Ang ginawa ko na lang inexplain ko sa kanila and the sinabi ko sa kanila alam natin na falsification ito so para safe din ako pipirma kayo na ni-release ko itong certification due to your insistence at tsaka this is under protest so nag sign ‘yong teacher sa certification,” dagdag ni Gairanod.
Ipinakita rin ng mga barangay captain sa SMNI News ang text message na tinanggap ng mga teachers na galing umano sa DepEd supervisor, sa nasabing message nakapaloob ang instructions na dapat gawin ng mga guro upang makatanggap ng payout nakalagay dito na dahil hindi sila kwalipikadong makakatanggap ng financial assistance ay dapat maghanap sila ng trabaho na mababa lang ang income na malapit sa kanilang trabaho.
Dahil dito. Tinungo ng SMNI News ang schools division superintendent sa Misamis Occidental para bigyang-linaw ang naturang isyu ngunit walang humarap sa aming team para magpa-interview.
Agad naman naming tinungo ang Provincial Social Welfare and Development Office ng Misamis Occidental ngunit hindi anila sila awtorisadong magsalita hangga’t walang pahintulot sa kanilang lider.
“Ngunit sa isang text message sinabi ng Provincial Social Welfare and Development Office ng Misamis Occidental hindi daw sila nakatanggap na ganitong reklamo,” pahayag ng PSWDO.
Sa ngayon ay nagsampa na ng reklamo sa DSWD at DepEd ang ilang mga concerned citizen sa naturang bayan hinggil sa nasabing isyu.
Tanong ngayon ng mga barangay captain na sina Robel, Ronaldo, Joseph, at Jenelyn saan o kanino humuhugot ng lakas ang mga guro na gawin ang ganitong hakbang? At kung kanino nga ba galing ang utos?