ISA pa sa hinigpitan ngayon ng Commission on Elections (COMELEC) sa panahon ng kampanya ay ang pagpapalabas ng mga kaliwa’t kanang election survey.
Sa resolusyon na inilabas ng poll body, sinabi nitong kailangan ang transparency sa pagsasapubliko ng resulta ng mga election survey lalo na’t mayroon itong impluwensya sa kaisipan ng mga botante.
“The Commission recognizes the significant influences of surveys in shaping voter preferences, highlighting the need for greater transparency in their conduct and publication,” ayon sa resolusyon.
Ngayon, kailangang magparehistro sa Political Finance and Affairs Department ng COMELEC ang mga kandidato, kumpanya, grupo o sinumang magsasagawa at magpapakalat ng resulta ng survey para sa eleksyon.
Ang mga survey firm na nagsasagawa na ng survey ay bibigyan ng 15 araw para makumpleto ang pagpaparehistro. Kung hindi sila susunod, sususpendihin ng komisyon ang kanilang operasyon.
Ayon sa poll body, ang mga rehistrado lamang sa COMELEC ang awtorisado na magsagawa ng survey.
Obligado rin ang survey company na magsumite ng report sa poll body sa loob ng 5 araw mula nang maisapubliko ang survey. Kailangan mai-report kung magkano ang nagastos ng kandidato sa mga survey, kung saan maaari itong magamit sa pagbeberipika ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Kasama rin sa hihigpitan ang media entities na maglalabas ng resulta ng survey, kung saan dapat isama sa isasapubliko ang kumpanyang gumawa ng survey at kung sino ang nagkomisyon o nagbayad.
Sa pagpapasurvey, kailangang pangalanan kung sinong kandidato, partido o grupo ang nagbayad para sa survey at ang nagsagawa nito. Kailangan ding ipakita kung kailan isinagawa ang survey, ang kapamaraanan na ginamit, bilang ng mga respondent, lugar ng survey, mga tanong na ibinigay at ang margin of error.
Samantala, ilang kandidato ang pabor sa regulasyon ng COMELEC.
Ayon kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, dapat matiyak na hindi nadadaya o napepeke ang survey para paboran ang isang kandidato, lalo pa’t ang ilang mga botante ay dumedepende sa survey kaysa sa plataporma ng mga tumatakbo.
“Para transparent ang kanilang ginagawa, para transparent ang proseso na kanilang ginagawa, at para masiguro natin na hindi wreacked ang resulta ng survey.”
“Kailangan talagang masiguro na ang survey nila ay walang bahid ng deception upang linlangin ang publiko at paboran ang ilang kandidato.”
“Kahit potensyal kang kandidato, kung mababa ka sa survey, ang botante lalong iiwas sa’yo. Kasi yung iba, segurista—para hindi masayang ang boto ko, dito na lang ako sa malaki ang chance, yung nasa taas ng survey,” wika ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Samantala, maging ang mga lokal na kandidato gaya ni Former Congressman Manny Lopez ay naniniwala na dapat higpitan ang pagsasapubliko ng mga election survey.