MAY mga dating pulis at sundalo na miyembro ng Socorro Bayanihan Services, Incorporated (SBSI) sa Socorro, Surigao del Norte.
Ito ang napag-alaman ni Police Colonel Laudemer Laude, provincial director ng Surigao del Norte Police sa kanilang pag-iimbestiga sa grupo.
Ayon kay Laude, ilan sa mga dating alagad ng batas ay nag-AWOL o absent without official leave para sumali sa SBSI.
Pag-amin pa ni Laude, ngayon pa lang nakapasok ang mga pulis sa compound ng grupo dahil na rin sa higpit ng kanilang polisiya.
Wala rin aniya silang impormasyon na may laboratoryo ng ilegal na droga sa compound.
Nahaharap sa kontrobersiya ang SBSI dahil sa umano’y rape, sexual abuse, forced labor at child marriage sa mga menor-de-edad na miyembro ng grupo.
Nakapagsampa na ang National Bureau of Investigation (NBI) ng qualified trafficking, serious illegal detention, paglabag sa RA 11596 o Act Prohibiting the Practice of Child Marriage and Imposing Penalties, at paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse Exploitation and Discrimination laban sa ilang opisyal ng grupo.