NANINIWALA ang Commission on Elections (COMELEC) na mas tataas pa ang bilang ng mga botante lalo na sa overseas kung papayagan o maaaprubahan ang isinusulong nilang reporma sa sistema ng halalan sa bansa.
Nais kasi ni COMELEC chairman George Erwin Garcia na gawing mas accessible sa ilang botante at palawakin pa ang masasakop ng advance voting sa mga halalan sa bansa.
Sinabi ni Garcia na isusulong niya na mabigyang pagkakataon na makaboto nang hiwalay o mas maaga ang mga senior citizen; persons with disabilities (PWDs); at mga buntis sa susunod na halalan.
Sa ganito aniyang sistema ay maiiwasan ng mga buntis; nakatatanda at PWDs na mapagod at maghintay sa mahabang pila, pag-akyat sa hagdanan at hirap sa pagboto.
Samantala bukod diyan ay nais din isulong ng COMELEC ang internet voting para sa mga Filipino na nasa ibang bansa, basta matiyak lang na hindi matatamper ang mga boto.