NANANAWAGAN ang mga tindero ng Carbon Public Market sa Cebu City kay incoming Mayor Nestor Archival na tulungan silang mapanatili ang makasaysayang pamilihan at maprotektahan ang kanilang kabuhayan.
Sa isinagawang All Vendors Forum kahapon, Hunyo 12, 2025 kasabay ng pagdiriwang ng ika-127 Araw ng Kalayaan sa Cebu City Sports Institute sa Brgy. San Nicolas, hinihiling ng mga tindero at tindera sa naturang palengke na ideklara ang Carbon Market bilang isang cultural heritage zone at ipasa ang ordinansa para sa proteksiyon ng karapatan ng mga tindero.
Sa forum, iginiit ng mga tindero ang muling pagsusuri sa kasalukuyang kontrata ng modernisasyon ng Carbon Market—ang joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng lungsod at Megawide Construction Corp.
Ipinanukala nila ang tatlong pangunahing layunin, na nakakuha ng suporta mula sa mga incoming na opisyal ng lungsod tulad nina Mayor-elect Archival, Vice Mayor-elect Tomas Osmeña, at mga bagong halal na konsehal ng siyudad.
Ipinaliwanag ni Archival na ang JVA ay inaprubahan noong 2021 sa ilalim ng yumaong Mayor Edgardo Labella, at ipinatupad ni Mayor Michael Rama noong 2022.
Bagaman nangakong rerepasuhin ni Rama ang kontrata, walang pagbabagong nangyari. Sinabi ni Archival na hindi pinansin ang kaniyang mga pagsisikap na ipatigil ang proyekto.
Binigyang-diin din ni Archival ang pangangailangang magkaroon ng patas na sistema sa paglalaan ng puwesto. May ilang tindero umano ang may hawak ng maraming stall at ipinaparenta ito sa iba.
Sinabi ni Archival na ang deklarasyon ng Carbon Market bilang ‘cultural heritage zone’ ay maaaring gawin sa pamamagitan ng isang lokal na ordinansa.
Tungkol naman sa pagpapatigil ng redevelopment, tanging Temporary Restraining Order mula sa korte lamang ang may kapangyarihang huminto rito. Naghain na ng kaso ang mga tindero at naghihintay ng desisyon.
Sa ngayon, hinihintay pa ng SMNI ang tugon ng Megawide sa naturang isyu.