HINDI pa umabot ng isang taon na nag-ooperate ang Belmun Philippines, isang recruitment agency na naghi-hire ng mga Pilipino na nais magtrabaho sa Poland ay ipinasara na agad ito ng Department of Migrant Workers (DMW).
Ang naturang opisina, ayon sa DMW, ay nag-aalok ng mga trabaho sa mga aplikante bilang mga factory worker kapalit ng “all-in payment” na hindi bababa sa P165-K para sa “pagproseso” ng mga dokumento sa pagtatrabaho ng manggagawa, work permit at referral sa foreign partner agencies nito.
Isinagawa ang pagsasara sa isang gusali ng Brgy. Salcedo Village, Makati City araw ng Lunes.
Ang Belmun Philippines ang ikatatlong recruitment agency na ipinasara ng DMW ngayong taong 2024 dahil sa pag-ooperate kahit hindi lisensiyado.
Naalerto ang DMW nang i-refer ng Office of Migrant Workers sa Prague ang kompanya. Nagpapa-accredit umano ng mga worker ng kompanya, at job order at humihingi rin ng mga dokumento para sa mga manggagawang Pilipino papuntang Poland.
Aminado naman ang mismong may-ari ng Belmun Philippines na hindi pa rin sila lisensiyado mula sa DMW, nagsimula na silang nag-operate simula pa noong Hunyo 2023.
Pinaliwanag din ng may-ari ng opisina na wala siyang ibang hangarin kundi ang makatulong sa mga Pilipino na nais na magtrabaho sa Poland.
Aniya dati na rin kasi siya nagtatrabaho sa isang kompanya sa Poland ng tatlong taon. Gumawa aniya siya ng vlog at marami ang naengganyo na magtrabaho sa Poland.
Pag-uwi niya sa Pilipinas marami ang nag-message sa kaniya na magtayo siya ng isang recruitment agency patungong Poland.
Kahit wala siyang P5-M na isa sa nire-require para maging lisensiyado ang kaniyang opisina ay ipinagpatuloy niya pa rin ito.
Ayon din kay Usec. Olalia, hindi lamang na may deployment sa Poland kundi lahat ng destinasyon na lalabas ng Pilipinas ang kanilang binabantayan.