ITINURO ng isang dating miyembro ng communist terrorist group (CTG) sa mga awtoridad kung saan itinago ng mga rebeldeng grupo ang iba’t ibang armas at mga bala.
Base sa ibinigay na impormasyon ng naturang rebelde, itinago ang mga armas sa isang liblib na lugar sa Brgy. Panoypoy, Camalig, Albay.
Kinilala ang nabanggit na dating rebelde na si Domingo Millena dating miyembro ng Squad 2, Platoon 3, Sub-Regional Committee, Bicol Regional Party Committee.
Dahil sa impormasyon na ibinigay ni Millena, agad nagbigay ang Special Action Force (SAF) ng tauhan upang magbigay ng tactical support sa mga personahe ng Regional Mobile Force Battalion 5 at iba pang PNP units.
Narekober ng mga awtoridad ang limang M14 rifle, sari-saring parts para sa M14 rifle gaya ng receiver at gatilyo, isang M16 rifle, walong magazines para sa M16, 40 rounds ng bala para sa M16, at mahigit 700 rounds ng bala para sa M14.
Sa ngayon ay nasa kostudiya na ng RFU5 ang mga nakuhang armas, kasunod nito ay binigyang diin ng SAF na ang nasabing operasyon ay tanda ng pakikipagtulungan ng mga law enforcement agencies sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon.