MAGSASAGAWA ng imbentaryo ang pamahalaan upang matukoy ang bilang ng mga pampublikong paaralan sa Northern Luzon na naapektuhan ng pananalasa ng Super Typhoon Egay.
Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. bago aniya ang pagbubukas ng klase sa susunod na buwan.
Dagdag ni Pangulong Marcos, tutukuyin ng pamahalaan ang lawak ng pinsalang iniwan ng Super Typhoon Egay sa mga paaralan upang matiyak ang maayos na pagbubukas ng klase sa Agosto.
Inilahad ng Pangulo na ang ideya ay siyang binigyang-diin ni Senator Imee Marcos na kasama niya sa pagbisita sa mga lugar na tinamaan ng Bagyong Egay sa Hilagang Luzon.
Nitong Sabado, pinangunahan ng Chief Executive ang isang serye ng mga briefing sa Bangued, Abra; Laoag City sa Ilocos Norte; at Tuguegarao City, Cagayan.
Sa mga naturang pulong, nakatanggap si Pangulong Marcos ng mga inisyal na ulat sa epekto ng Super Typhoon Egay.
Nagsagawa rin ang Pangulo ng aerial inspections sa mga apektadong lugar sa Abra at Ilocos Norte.