Imbestigasyon sa bagong senate building, pinamamadali

Imbestigasyon sa bagong senate building, pinamamadali

MULING ipinagtanggol ni dating Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang ginagawang konstruksyon ng Bagong senate building sa Bonifacio Global City Taguig.

Sa isang interview sa Baler Aurora, araw ng Lunes, tiniyak ni Zubiri na walang makikitang iregularidad o mis-appropriation ng pondo para sa nasabing proyekto.

Nanawagan pa siya sa liderato ng senado na paspasan ang imbestigasyon upang di na maantala ang pagtatayo nito.

Ginawa ni Zubiri ang pahayag matapos inanunsiyo ni Senador Alan Peter Cayetano na iimbestigahan ng senado ang konstruksyon ng gusali sa araw ng Miyerkules, Hulyo 3, 2024.

 “I am appealing to Senator Chiz Escudero to make the inquiries as soon as possible para maibalik po nila ang schedule ng pagturnover nila ng ating new senate bldg.,” saad ni Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri, Former Senate President.

Kaugnay nito ay nilinaw naman ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi ang hearing ng senado ang nagpapaantala sa konstruksyon.

Ayon sa kasalukuyang Senate President naglabas na nang slow-down order ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa proyekto bago pa man niya pinasuspinde ang konstruksyon.

“May slowdown order ang DPWH sana sinabi na nila ‘yun dahil may hindi pinagkakasunduan ang kontratista at DPWH kaugnay sa mga may depektong ginawa o nagawa na hindi tama o kulang. At dahil ‘di rin siya nababayaran kaya nag slowdown din siya,” ayon naman kay Sen. Francis “Chiz” Escudero, Senate President.

Sa pahayag na inilabas ni Sen. Alan Peter Cayetano, Chairman ng Senate Committee on Accounts na siyang nangangasiwa sa konstruksyon, nagpatawag ito ng imbestigasyon dahil bigong rumisponde ang DPWH sa kanilang kahilingan.

“We have reached out numerous times to the Department of Public Works and Highways (DPWH) since June 14, 2024 for the submission of all project-related documents but all our communication has fallen on deaf ears,” saad ni Sen. Allan Peter Cayetano.

Ani Cayetano pinagsusumite niya ang DPWH ng mga dokumentong may kinalaman sa proyekto ngunit hindi ito sumusunod.

Una nang pinasuspinde ni Escudero ang konstruksyon matapos makarating kaniya ang report na sobrang laki ang kailangang gastusin para sa pagtatayo sa magiging bagong tahanan ng Senado.

Aniya P8.9-B ang inisyal na budget para sa proyekto pero laking gulat pa niya kung bakit lumobo ito P13-B.

Ito ay liban pa sa kinakailangan na karagdagang P10-B para makumpleto, kung saan aabot sa P23-B ang total na kailangang gastusin.

 “At ayon nga sa DPWH noong una at sa mga dating opisyal ng committee on accounts ay hindi pa ‘yun ang kabuuang amount para mabuo ang senate building. So, nais namin malaman magkano nga ba ang kabuuan? Pangalawa, sa laki ng building na ‘yan magkano ang gagastusin para sa ma-maintain ang building na ‘yan. Lahat ng mga bagay na ito ay kinakailangan at importanteng malaman,” giit ni Sen. Escudero.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble