Imee Marcos itinanggi ang pamimigay ng libreng ticket ng ‘Maid in Malacañang’

Imee Marcos itinanggi ang pamimigay ng libreng ticket ng ‘Maid in Malacañang’

MARIING itinanggi ni Senador Imee Marcos ang isyu ng pamimigay ng libreng ticket ng Maid in Malacañang.

Bago pa man ang premiere ngayong araw ay maugong na tinatalakay sa social media ang kontrobersyal na palabas na ‘Maid in Malacañang.’

Kumalat din ang isyu na pamimigay ng ticket, at pag-require ng mga paaralan at emplayado ng gobyerno na panoorin ang nasabing movie na idinerek ni Darryl Yap.

Pero lahat ng ito ay itinanggi ni Senador Imee Marcos.

 “Naku para namang ang Viva papayag ng ganon? Kilala naman natin si Boss Vic Del Rosario. Lahat ‘yan binibili. Kaya nga lang maraming sektor ang nag-volunteer kaagad at humingi ng block screening. ‘Yan yung pinamimigay na ticket sa mga empleyado, sa staff, sa mga kamag-anak.  Marami na ring loyalista, siguro bahagi na dyan ‘yung 31 million,” pahayag ni Sen. Imee.

Ang Maid in Malacañang na pinapalabas na ngayon sa sine ay ipinapakita ang huling tatlong araw ng pamilya Marcos sa Palasyo ng Malakanyang bago sila lumisan ng bansa sa kasagsagan ng People Power Revolution noong 1986.

Liban sa isyu sa ticket ay umani naman ng batikos ang bahagi ng palabas kung saan ipinapakita na nagmamadyong ang dating presidente na si Cory Aquino kasama ang mga madre.

Una na itong kinondena ng Carmelite Sisters ng Cebu City, Cebu Governor Gwen Garcia, at ni Senadora Risa Hontiveros.

“Sabi ni Mother Superior na sumulat ngayon na hinding hindi mangyari na sa araw na iyon na nasa panganib din lang si Cory ang buong  bansa kumbaga na nasa  matinding pagbabago, hinding hindi magagawa ng mag-sister na maglaro ng games o mahjong. Never daw yan nangyari yang eksena na yan,” pahayag ni Sen. Hontiveros.

Pero sa isang pahayag  naman na nilabas ni Darryl Yap sa social media ay sinabi nito na wala siyang nakitang rason kung bakit kailangan konsultahin ang mga Carmelite Sisters sa eksena.

“Gaya po ng sabi nila, hindi naman po naka brown, at walang binanggit na “Huy mga Carmelite sisters, Ano na?!” saad sa social media account ni Darryl Yap.

Para kay Senador Imee, suportado naman niya ang desisyon ni Yap dahil sa propesyon nito na pagiging direktor.

“Basta yung sa outside Malakanyang may creative license ang director …. It’s a work of truth… na hangga’t maari lahat ay truth at historically correct,” ani Imee.

Payo ngayon ni Senator Imee na panoorin muna ang Maid in Malacañang bago ito tuluyang husgahan.  Showing na ito simula ngayong araw sa mga cinemas nationwide.

 

Follow SMNI News on Twitter