Impeachment case vs. BBM maaaring isampa sa darating na 20th Congress—senatorial candidate

Impeachment case vs. BBM maaaring isampa sa darating na 20th Congress—senatorial candidate

INIHAYAG ngayon ni senatorial candidate Norberto Gonzales na may mga grupo nang naghahanda upang isampa ang impeachment case laban kay Pangulong Bongbong Marcos Jr.

“Nababalitaan ko na marami naman talaga na nagpa-plano na filan ng impeachment si Pangulo pagbukas ng Kongreso,” pahayag ni Norberto Gonzales, Senatorial Candidate.

Ito ang sinabi ng dating Kalihim ng Department of National Defense (DND) at ngayo’y senatorial candidate na si Norberto Gonzales sa eksklusibong panayam ng SMNI News.

Ayon kay Gonzales, ang ideya ng pagpapalit sa Pangulo ay nagmumula mismo sa mga ordinaryong Pilipino na kaniyang nakakausap sa pag-iikot sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

“’Yong nangyayari sa lipunan natin ngayon, mayaman at mahirap, talagang gusto nila ng pagbabago,” dagdag ni Gonzales.

Malinaw nga aniya ang gusto ng taumbayan—at ito ang pagbabago sa takbo ng politika sa bansa. Aniya, marami na ang dismayado sa mga politiko na tila walang nagagawang tama. Nakikita aniya ng mga tao na walang tunay na pagbabago at paulit-ulit lang ang sistema.

Dagdag pa ni Gonzales, hindi lang simpleng reporma ang hinahanap ng publiko—gusto nilang maramdaman ang pagbabago ngayon na. Sa pananaw niya, ito ay nangangahulugan ng isang mas radikal na hakbang—ang pagpapalit ng gobyerno.

Binigyang-diin ni Gonzales na mayroon nang grupo ng mga Pilipino na naghahanda ng impeachment case laban kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. at naghihintay lamang ito ng isang mambabatas na magpapasa nito sa Kongreso.

May ilang grupo na aniyang naghahanda ng mga dokumento para sa isang impeachment case laban kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. Gayunman, dahil aniya mga ordinaryong mamamayan lamang ang nasa likod nito, kinakailangan pa nila ng isang kongresistang pipirma bilang sponsor upang maging opisyal ang proseso ng impeachment.

Sen. Imee Marcos maaaring maging broker para palitan ang Pangulo—senatorial candidate

Samantala, tungkol naman sa hamon ng dating Chief Presidential Legal Counsel na si Atty. Salvador Panelo kay Sen. Imee Marcos na sampahan ng impeachment ang kaniyang kapatid na si Bongbong Marcos, ito ang naging sagot ni Gonzales.

“Ang nakikita ko lang sa ngayon, kunyari ‘yong kapatid niya si Senator Imee Marcos, maganda ‘yan na siya ay titindig at sabihin na ako handa akong kausapin,” aniya.

Nilinaw ni Gonzales na magandang hakbang kung tatayong broker si Senator Imee para sa isang panibagong eleksiyon. Aniya, bukod sa galit ng maraming Pilipino sa kasalukuyang administrasyon, patuloy rin ang pagbaba ng ratings ni BBM.

“Kung gusto ni Senator Imee na gawin ‘yan, maganda yan—na maging broker siya ng isang panibagong eleksyon para makuha ang mandato ng taong bayan kung sino talaga ang puwedeng mamuno. Puwede niyang gawin yan.”

“Dahil pabagsak nang pabagsak ‘yong rating ng ating Pangulo, parang nalalapit na na marami rin ang magsasabi na palitan na natin ang gobyerno. Ngayon na yon ang nakikita kong sentiment,” aniya pa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble