Impeachment vs. VP Sara Duterte, pinahihinto sa Korte Suprema; SC, tiniyak ang agarang aksiyon

Impeachment vs. VP Sara Duterte, pinahihinto sa Korte Suprema; SC, tiniyak ang agarang aksiyon

NAGHAIN ng Petition for Certiorari and Prohibition sa Supreme Court ang apat na Mindanawon lawyers para harangin ang impeachment proceedings laban kay VP Sara Duterte.

Hiniling ng mga abogado na sina Atty. Israelito Torreon, Atty. Martin Delgra, Atty. James Reserva, Atty. Hillary Olga Reserva, at Atty. Luna Acosta—na magpalabas ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order (TRO) at Injunction para ipawalang-bisa ang impeachment complaint.

Kasama rin sa mga nagpetisyon ang Bise Alkalde ng Davao City, ilang miyembro ng konseho ng lungsod, at mga kilalang political vloggers na sina Darwin Salcedo, Lord Byron Cristobal, at Lord Oliver Raymund Cristobal.

Ayon sa kanila, depektibo at hindi dapat dinggin ng Senado ang impeachment complaint na inihain ng Kamara.

Kwestiyonable umano ang verification process ng impeachment complaint.

Giit ng mga petitioner, hindi pinag-aralang mabuti ng mga lumagda sa reklamo ang nilalaman nito, at biglaan lamang isinama sa usapin ng impeachment.

Kinuwestiyon din ng mga abogado kung bakit hindi agad inaksiyunan ng Kamara ang tatlong impeachment complaints noon pang Disyembre, kahit na ito mismo ang nakasaad sa kanilang mga patakaran at sa Saligang Bata.
Dagdag pa ng mga petitioner, hindi nabigyan ng due process si VP Sara sa ika-apat na impeachment complaint, dahil walang ginawang aksyon o pagdinig ang Kamara hinggil dito.

Ayon naman kay Atty. Martin Delgra, “railroaded” o minadali ang impeachment complaint.

Dahil sa umano’y maling proseso, napilitan silang idulog ito sa Korte Suprema.

Samantala, ang mga political vlogger na sina Darwin Salcedo, Lord Byron Cristobal at Lord Oliver Raymund Cristobal ay nagpaliwag din kung bakit isa sila sa mga nagpetisyon para mabasura ang impeachment complaint vs VP Sara Duterte.
Samantala, pinakokomento na ng Korte Suprema ang Senado sa petisyong humihiling na dinggin na ang impeachment complaint laban sa bise presidente.

Binigyan ang Senado ng 10 araw para magkomento.

Tiniyak din ng Korte Suprema na aaksiyunan nila agad ang petisyon para magpalabas ng TRO laban sa impeachment complaint.

Ayon sa SC, isang “urgent matter” ang impeachment complaint at kinakailangang pagdesisyunan agad.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble