EPEKTIBO ngayong araw ang implementasyon ng Executive Order Number 39 na nagtatakda ng price cap sa bigas.
Simula na araw ng Martes, Setyembre 5 ang implementasyon ng EO 39 o ang pagtatakda ng price ceiling sa bigas.
Nakasaad sa nasabing kautusan na P41/kg ang dapat presyo ng regular milled rice habang P45/kg naman sa well-milled.
Samantala, ilang opisyal ng gobyerno naman ang nakatakdang magsagawa ng inspeksiyon sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Sa bahagi ng Quezon City, surpresang iinspeksyunin nina Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr., Quezon City Mayor Joy Belmonte at Department of Trade and Industry Assistant Secretary Agaton Uvero ang NEPA QMart.
Ang nasabing inspeksiyon ay hakbang ng pamahalaan upang pakiusapan ang mga rice trader at retailer na sumunod sa kautusan ng Pangulo.
Layunin ng EO Number 39 ay upang mapigilan ang patuloy na pagtaas sa presyo ng bigas sa merkado na posibleng may pananamantala ng ilang rice trader sa supply ng local na bigas.
Sa ilalim din ng EO 39 ay mas mahigpit na parusa ang posibleng ipataw sa mga mahuhuling negosyante na hindi sumusunod sa kautusan.
Sinumang lalabag sa mga probisyon ng Price Act para sa mandated price ceiling ay maaaring makulong sa loob ng hindi bababa sa isang taon at hindi rin hihigit sa 10 taon.
Pagbabayarin din ito ng multang hindi bababa sa P5,000 o hindi hihigit sa P1-M.
Maaaring pagmultahin na hindi bababa sa P5,000 at hindi hihigit sa P1-M at pagkakakulong ng hindi bababa sa isang taon at hindi rin hihigit sa 10 taon.
Habang ang sinumang sangkot sa ilegal na pagmamanipula ng presyo ng anumang basic o prime commodity gaya ng bigas ay maaari ding makulong sa loob ng hindi bababa sa 5 taon at hindi rin hihigit sa 15 taon.
Pagbabayarin din ito ng multang hindi bababa sa P5,000 o hindi hihigit sa P2-M.