Importasyon ng ‘sugar alternatives’, hinigpitan ng SRA

Importasyon ng ‘sugar alternatives’, hinigpitan ng SRA

ISINAPUBLIKO kamakailan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang Memorandum Circular No. 6, isang kautusang naglalayong higpitan ang regulasyon sa pag-aangkat ng mga tinatawag na “sugar alternatives” o alternatibong uri ng asukal.

Ipinaliwanag ni SRA Administrator Pablo Azcona na layunin ng nasabing circular ang pagkolekta ng mas tumpak na datos hinggil sa importasyon ng mga “other sugars” na sakop ng Tariff Code 1702 — kabilang dito ang glucose, fructose, at iba pang produktong karaniwang ginagamit ng mga lehitimong manufacturer at importer.

‘’The main purpose of that sugar order is to gather data on the….legit manufacturers and importers, they import through these glucose, proctuse and all that..,’’ ayon kay Pablo Azcona, Administrator, Sugar Regulatory Administration.

Ayon pa sa opisyal, mula taong 2022, napansin ng SRA ang tuluy-tuloy na pagtaas ng importasyon ng mga produktong sakop ng Tariff Code 1702 na halos 20% ang itinaas.

Kasabay nito, bumaba rin ang demand sa lokal na asukal, bagay na nagdulot ng pangamba sa lokal na industriya.

‘’Lately we notice na for the last few years since 2022…in the sugar industry as a whole, kailangan natin ng accurate data,’’ saad ni Azcona.

Binigyang-diin ni Azcona na sa pamamagitan ng bagong regulasyon, matutukoy ng SRA kung sino ang mga importer, anong uri, gaano karami ang produkto, at alin sa mga industriya ang tumatangkilik sa mga ito.

Ito aniya ay mahalaga upang magkaroon ng mas maayos at makatarungang polisiya sa suplay ng asukal sa bansa.

Gayunman, inamin ng SRA na may agam-agam sa hanay ng ilang lehitimong importer sa simula ng implementasyon.

Ngunit, naging malinaw ang pangangailangan ng regulasyon matapos ang ilang kaso ng ipinagbabawal na paggamit ng Tariff Code 1702.

‘’Like lately, hinuli natin yung sa Port of Manila yung dalawang container…..pero yung pinapasok items under 1701..,’’ dagdag nito.

Bilang tugon, pinaalalahanan ni Azcona ang mga importer na kinakailangan ang pagkuha ng international trading license para makapag-angkat sa ilalim ng Tariff Code 1702.

Binigyan ng SRA ang mga lehitimong importer ng anim na buwang palugit para makumpleto ang mga kinakailangang dokumento.

‘’Yung mga hindi mag-aapply ng trading liscense-international trading liscense…kasi we can only release import clearances for people who are legitimate international sugar traders..,’’ wika nito.

Samantala, para sa mga nais mag-angkat ng sugar alternatives, madali lamang ang proseso ng aplikasyon.

‘’Most of the importers if not all already possess an International sugar training liscense…so if they already have that liscense they just need to go to the office and submit very basi documents like yung .. if they are corporation SEC papers, yung current, and things like that, this is a very simple…And they will be automatically given a liscense for that we called it the international other sugars trading liscense,’’ saad nito.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble