ISA ang mataas na presyo ng bigas sa mga dahilan ng mas pagbilis ng inflation nitong Marso 2024.
Nagbawas ng ibinibentang putahe sa kaniyang karinderia si Aling Jane.
Mula nga sa dating 25 putahe, nasa 18 na lang aniya ang niluluto niya.
Patuloy aniya kasing nagmamahal ang mga ginagamit niyang sangkap mula sa mga gulay at karne.
Kaya naman para mabawi ang puhunan at kahit papaano ay kumita, binabawasan na lamang ni Aling Jane ang kada takal ng mga ulam.
‘‘Hindi kaya ng budget. Mahal ang bilihin. Transcom pa mahal. Buti may sarili akong sasakyan wala naman. Namamasahe lang din ako. Syempre lahat din binabudget mo. Pati na ‘yung paper plate, mga kutsara,’’ pahayag ni Jane Braga, May-ari ng Karinderia.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), mas bumilis ang inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa nitong Marso 2024 sa 3.7% kumpara noong Pebrero.
Pangunahing dahilan ng mas mataas na inflation sa nasabing buwan ay ang pagtaas ng presyo sa pagkain gaya na lamang ng sibuyas, karne ng baboy, at bigas.
Nakaambag din sa paglobo ng inflation ang mas mataas na presyo sa gasolina at pamasahe sa tricycle.
Presyo ng bigas, patuloy na tumataas—PSA
Batay rin sa monitoring ng PSA nitong Marso, patuloy na tumaas ang presyo ng bigas mula sa regular, well-milled hanggang sa special na klase ng bigas kumpara sa kaparehong buwan ng 2023.
Naitala ang 24.4% na rice inflation na pinakamataas mula pa noong Pebrero ng 2009 na nasa 24.6%.
‘‘Ang nakikita natin no’, sinabi ko na since this commodity, particular commodity started increasing ‘yung prices niya at ‘yung inflation. Ang expectation natin ay tataas ito hanggang July,’’ ayon kay Usec. Dennis Mapa, National Statistician.
Ilan sa mga itinuturong dahilan ng PSA sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas ay ang pagmahal nito sa pandaigdigang merkado at ang pagtaas ng presyo ng palay.
‘‘Ang nakikita talaga natin dito ay ‘yung world price. Kasi ‘yung presyo ng bigas sa world market ay continuously tumataas. So, medyo tight ‘yung supply sa world market and this creates impact on our local rice price,’’ dagdag pa ni Usec. Mapa.
Mayorya ng mga Pilipino, nais patutukan kay BBM ang mataas na presyo ng bilihin—survey
Kaugnay rito mayorya sa mga Pilipino ay nanawagan sa administrasyong Marcos na mas pagtuunan ng pansin ang pagbibigay solusyon sa mataas na presyo ng mga bilihin bago pa ang ibang mga isyu gaya ng sigalot sa South China Sea.
‘‘Mas maraming nangangailangan ng pagkain eh dahil alam mo naman iyang bigas, iyan ang pangunahing pagkain ng mga Pilipino diba.’’
‘‘Dapat prayoridad talaga ang tungkol sa pagkain kung lalo na sa bigas,’’ ayon pa kay Teddy Jacinto, Delivery Rider,
‘‘Dapat unang-una talagang punan ng atensyon, una ‘yung presyo ng bigas. Ang hirap bumili dahil ang mamahal. Kawawa naman lalo na ‘yung mga jobless na tao. Hindi sila capable makabili. Kung uunahin muna nila ‘yung sa pagkain natin, mas maayos. Oo, saka na ‘yung kasi mas importante ‘yung Pilipino eh. ‘Yung pagkain natin para tayo makagalaw,’’ ayon naman kay Patricia, Trabahante.
‘‘Maraming naghihirap eh. Imbes na bababa ang hirap, mas hirap ang Pilipino. Lalong nadagdagan eh. Kawawa ‘yung bata,’’ aniya Roel Gulok, Security Guard.
Batay sa inilabas na resulta ng PAHAYAG Survey ng Publicus Asia nitong unang quarter ng 2024, nais patutukan ng mayorya ng mga Pilipino kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mataas na presyo ng bilihin, inflation at korapsiyon.
Una nang ipinangako ni Marcos Jr. noong panahon ng kampanya na gagawin niyang P20 ang kada kilo ng bigas.