Inisyal na pinsala sa irigasyon ng Bagyong Paeng, higit P825-M

Inisyal na pinsala sa irigasyon ng Bagyong Paeng, higit P825-M

MATINDING pinsala ang iniwan ng Bagyong Paeng sa sektor ng agrikultura matapos ang pananalasa noong nagdaang araw.

Ayon sa National Irrigation Administration (NIA), aabot sa P825, 980, 000 ang inisyal na pinsala sa mga imprastraktura ng ahensya.

Sa pinakahuling datos ng NIA, apektado ang mga kanal at iba pang imprastraktura mula sa Regions 4-A. 4-B, 5, 6, 7, 8, 9, at 12.

Nasa 24, 922.03 ektarya ng lupa ang nasalanta ng bagyo at nasa higit P355 milyon ang halaga ng mga agricultural products.

Habang aabot sa 16, 367 magsasaka mula sa nasabing mga rehiyon ang naapektuhan.

Pagtitiyak naman ni NIA Administrator Benny Antiporda na sa kabila ng mga napinsalang imprastraktura ay tuloy-tuloy ang kanilang operasyon sa paghahatid ng patubig.

Inamin naman ni Antiporda na mas malaking danyos ang naitala sa irigasyon sa Mindanao dahil sa Bagyong Paeng.

Aabot ito sa P200-M ang halaga ng pinsala sa irigasyon.

Patuloy pa aniyang pumapasok sa kanila ang mga ulat kaugnay sa mga napinsalang irrigation system dulot ng bagyo.

Paliwanag pa nito, hinihintay na lamang nila ang pondo upang maisaayos ang mga pinsalang iniwan sa irrigation system ng bansa.

Pagtitiyak pa ng NIA sa mga isasagawa nilang pagsasaayos ay magiging matatag ang mga ito laban sa kalamidad.

Follow SMNI News on Twitter