Insidente ng sunog sa unang 2 buwan ng 2024, mas mataas kumpara noong 2023

Insidente ng sunog sa unang 2 buwan ng 2024, mas mataas kumpara noong 2023

HINDI pa man nagsisimula ang Fire Prevention Month, kaliwa’t kanang sunog na ang naitala sa iba’t ibang lugar sa bansa partikular sa Metro Manila.

Base sa datos ng Bureau of Fire Protection (BFP), tumaas ang insidente ng sunog sa unang dalawang buwan ng taong kasalukuyan kumpara sa parehong panahon noong 2023.

Ayon kay BFP Spokesperson Col. Annalee Atienza, nasa 25.6% ang itinaas ng fire incidence sa bansa.

Umabot sa 3,044 simula Enero 1 to Marso 1 ang naitalang insidente ng sunog sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang nasabing bilang ay mas mataas kumpara noong nakaraang taon sa kaparehong mga buwan na nasa 2,424.

Inihayag ni Atienza na mayorya rito ay residential.

Aniya, nangungunang dahilan ng sunog ay paninigarilyo o lighted cigarettes; pangalawa ang open flame mula sa pagluluto; pangatlo ay electrical ignition.

“So, iyan pa rin po lalo na ngayon mainit, sana po bigyan din ng oras magpahinga ang electric fan, ang mga air condition unit natin at tulung-tulong po tayo na maibsan na po ang insidente ng sunog,” saad ni Col. Annalee Atienza, Spokesperson, BFP.

At ngayong Fire Prevention Month, iba’t ibang aktibidad ang ikakasa ng BFP.

Isa rin sa programa ng BFP ang “Oplan Ligtas na Pamayanan” at kasama rito ang pagpapakalat ng EDITH – “Emergency Drill In The Home.”

“Collaborated efforts na po ito, concerted efforts ng mga neighborhood ano, ng mga barangay officials natin bilang sila po ang first responder; at nandiyan din po ang homeowners’ association natin, siyempre with coordination din ng local government unit. Iyong ating mga activities na nilalatag, we see to it na nakakarating po sa community iyong mga services ng Bureau of Fire Protection,” dagdag ni Atienza.

Para sa ilang nakapanayam natin na residente, napakahalaga ang mga ganitong kampanya ng BFP na magbigay ng kamalayan tungkol sa fire safety.

Ibinahagi naman ng ilang residente ang ginagawa nilang pag-iingat laban sa sunog.

123 municipalities sa bansa, wala pang serbisyo ng Bureau of Fire Protection—BFP Spox

Samantala, ibinahagi ng BFP na sa huling tala nitong Enero, mayroon pang kakulangan na 123 municipalities na wala pang serbisyo ng BFP.

Ibig sabihin, wala pang firetruck at wala pang fire station, bagkus, ang mayroon lang ay fire prevention officer para sa implementasyon ng Fire Code o ang collection ng fire code fee.

Kaya sa ilalim ng Republic Act (RA) 11589 o BFP Modernization – isang 10-year program na nakalatag at mag-uumpisa ngayong taon, inaasahan ng BFP na mapunuan na ang kakulangan at madagdagan ng makabago pang kagamitan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble