PINANGUNAHAN ng Philippine National Police (PNP) ang final Inter-Agency Conference para sa FIBA Basketball World Cup 2023 kasama ang iba’t ibang stakeholders.
Ito’y para tutukan ang pagbibigay ng seguridad ng mga delegado, manonood, at iba pang aspeto ng sporting event.
Sinabi ni PNP acting Deputy Chief for Operations Lieutenant General Michael John Dubria na tumatayong overall supervisor ng FIBA World Cup 2023, prayoridad nila na matiyak ang crowd management, emergency response, traffic control, at public health measures.
Ayon kay Dubria, napakahalaga na magkaroon ng “cohesive security strategy” upang mapangalagaan ang kapakanan ng lahat ng kalahok at dadalo.
Hindi lang aniya ito pagpapakita ng world-class basketball ngunit isang halimbawa ng pagbibigay ng seguridad sa global event.
Aabot sa 2,589 pulis sa National Capital Region Police Office (NCRPO), 363 pulis sa Police Regional Office (PRO) 3 at 2,904 force multipliers sa iba’t ibang ahensiya ang gagamitin para sa FIBA.