BINUO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang inter-agency council for the Pasig River Urban Development.
Ito ay bahagi ng pagtugon ng administrasyon sa agarang pangangailangan na i-rehabilitate at pahusayin ang kalidad ng buhay ng mga naninirahan sa gilid ng Ilog Pasig.
Ang apat na pahinang Executive Order (EO) No. 35 ay inilabas noong Hulyo 25, na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Bukod pa sa Pasig River, nakasaad din sa EO na isasama ang pag-aayos ng Riverbank Systems na kalapit ng Ilog Pasig.
Ang inter-agency council ay magiging responsable para sa pagpapadali at pagtiyak ng ganap na rehabilitasyon ng mga ito.
Pamumunuan ng kalihim ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang inter-agency council.
Habang vice-chair naman ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman na may 13 miyembrong ahensiya tulad ng DPWH, DENR, DILG, DOT, DOTr, DOF, DBM, NHCP, NCCA, PPA, PCG, LLDA at TIEZA.
Bukod sa pangasiwaan at pagtiyak ng ganap na rehabilitasyon ng Ilog Pasig, ang konseho ay inatasan din na bumalangkas ng Pasig River Urban Development Plan.
Inaatasan din itong tiyakin na ang easements na ibinigay sa ilalim ng RA 386 (Civil Code of the Philippines) at iba pang kaugnay na batas ay nasusunod.
Binigyan din ng direktiba ang council na pag-aralan, ihanda at ipatupad ang isang komprehensibong shelter plan para sa relokasyon ng mga informal settler; at, tumanggap ng grants o anumang tulong mula sa local at foreign sources na napapailalim sa mga umiiral na batas, tuntunin at regulasyon.
Inaatasan din ang konseho na mahigpit na makipagtulungan sa mga ahensiya ng national government agencies at local government units.
Ito ay upang suriin ang mga umiiral na presidential issuances na may kaugnayan sa rehabilitasyon at development ng Ilog Pasig, at irekomenda sa Office of the President ang pagpapawalang-bisa o pag-amyenda nito.
Inaatasan din ang konseho na magsumite ng quarterly report sa implementasyon ng EO.