IRR ng New Agrarian Emancipation Act, iprinisenta kay PBBM

IRR ng New Agrarian Emancipation Act, iprinisenta kay PBBM

IPRINISENTA ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (R.A.) No 11953, o kilala bilang New Agrarian Emancipation Act (NAEA).

Ginawa ito sa isang seremonya sa DAR Gymnasium sa Quezon City nitong hapon ng Martes, Setyembre 12.

Sa kaniyang mensahe, kinilala ni Pangulong Marcos ang pagsisikap ng DAR at iba pang ahensiyang nagpapatupad ng suporta sa mga magsasaka na mamuhay ng mas marangal at makamit ang seguridad sa pagkain.

Maayos at agarang pagsasakatuparan ng IRR ng New Agrarian Emancipation Act, ipinag-utos ni PBBM

Kaugnay rito, hinimok ni Pangulong Marcos ang DAR kasama ang lahat ng ahensiya ng gobyerno, na pagsikapan ang maayos at agarang pagsasakatuparan ng IRR ng New Agrarian Emancipation Act.

Ito’y upang makalaya ang mga benepisyaryong magsasaka mula sa ‘burden’ ng pagkakautang at umani ng mga benepisyo mula sa mga lupaing kanilang walang sawang sinasaka.

“Continue to facilitate the delivery of support services to all ARBs and make them your foremost priority in all our development efforts.”

“I call upon the beneficiaries to utilize your lands not only to cater to your families, but also for the rest of the nation,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Sa ilalim ng batas, inaatasan ang DAR na ipagpatuloy ang pagbibigay ng mga serbisyong pangsuporta sa lahat ng benepisyaryo ng repormang agraryo.

Ito’y tulad na lamang ng pagbibigay ng extension services, credit, financing, at rural infrastructure.

“I call on everyone to support and take part in the implementation of this landmark legislation. The need for a whole-of-nation approach is vital to achieve its goals and secure food production in the future,” ayon pa kay Pangulong Marcos.

Samantala, pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos ang mga magsasaka at ang agrarian reform beneficiaries sa patuloy na pagtitiyak ng accessibility at affordability ng agricultural commodities sa bansa.

Kasama sa event sa QC ang key legislators at DAR officials na nagtrabaho para sa pagpasa ng New Agrarian Emancipation Act.

Naroon din ang agrarian reform beneficiaries na lubos na nagpapasalamat sa tulong na ipinagkaloob ng gobyerno.

Sa kabilang banda, pinuri ni Secretary Estrella ang Drafting Committee sa pagtalima sa direktiba ni Pangulong Marcos na madaliin ang formulation ng IRR.

Natapos ng Drafting Committee ang kanilang trabaho sa loob ng 15 araw, bago ang Setyembre 22, 2023, ang expiration period kung saan dapat ipahayag ang IRR.

Noong Hulyo 9, 2023, nilagdaan ni Pangulong Marcos ang New Agrarian Emancipation Act.

Base sa naturang batas, buburahin ang lahat ng hindi nabayarang amortisasyon ng prinsipal na utang, kabilang ang interes at mga multa, kung mayroon man, na natamo ng agrarian reform beneficiaries (ARBs).

May kabuuang P57.56-B ng hindi pa nababayarang principal debt ang na-condone.

Mahigit 600,000 na mga magsasaka sa buong bansa na nagbubungkal ng mahigit 1.7 milyong ektarya ng agrarian reform lands, ang magiging ganap nang may-ari ng lupang bigay sa kanila ng pamahalaan sa bisa ng naturang bagong nilagdaang batas.

EO para sa extension ng moratorium sa pagbabayad ng utang ng mga benepisyaryong magsasaka, nilagdaan ni Pangulong Marcos

Kasunod ng presentasyon ng IRR, ay nilagdaan din ni Pangulong Marcos ang Executive Order para sa extension ng moratorium para sa pagbabayad ng utang ng mga benepisyaryong magsasaka.

Sinabi ni Pangulong Marcos na pinalawig ng EO ng dalawa pang taon o hanggang Setyembre 13, 2025 ang agrarian debt moratorium.

“I have also signed just now Executive Order (EO) for the two-year extension of EO No. 4, s. 2023, [applause] dahil mayroong mga ibang beneficiary ay hindi na-cover-an ‘nung pagpasok ng IRR at saka ng moratorium na ginawa natin sa original na EO. Kaya’t sila naman ay – sila ay qualified sa ilalim ng pagpatuloy ng moratorium ng EO No. 4,” saad pa ng Pangulo.

Sa pamamagitan ng extension na ito, higit nitong mapapahusay ang kakayahan ng mga benepisyaryong magsasaka na gawing mas produktibo ang kanilang mga sakahan.

Ito’y sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga kinakailangang mapagkukunang pinansiyal upang magamit para sa mga input at kagamitan sa sakahan na makatutulong sa pagtaas ng mga ani at kita ng sakahan.

“This provides for the moratorium on the payment of the principal obligation and interest on amortization payable by the agrarian reform beneficiary, to include even those who were not covered by the New Emancipation Law,” ani Pangulong Marcos.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble